Talumpating Nangangampanya
Same-Sex Marriage, Tutulan!
Ni: Jenice G. Orpeza
Ang kasal ang nagbibigkis sa dalawang taong nagmamahalan. Sinasabing ito ang pundasyon ng kanilang pagsasama habambuhay. Subalit hindi ba’t ang kasal ay para lamang sa pagitan ng babae at lalaki?
Ang pag-ibig ay libre. Ito ay ipinagkaloob sa ating mga tao ng Diyos. May pag-ibig para sa Kanya, para sa sarili, para sa pamilya, para sa mga kaibigan at higit sa lahat, ang pag-ibig para sa taong nais mong makasama sa hirap at ginhawa, sa lungkot at saya hanggang sa dulo ng walang hanggan. ‘Till death do us part ika nga. Batid nating ang babae ay nilikha para sa lalaki at ang lalaki, para sa babae. Subalit paano kung ang gusto mong mahalin at makasama habambuhay ay ang kapareho mo ng kasarian na sa mata ng tao at sa mata ng Diyos ay hindi karapat-dapat?
Sa mabilis na pagbabago ng panahon, unti-unting natatanggap ng lipunan ang relasyon ng dalawang magkapareho ang kasarian. Sa katunayan, maraming bansa sa Estados Unidos ang nagpapahintulot ng same-sex marriage. Samakatuwid, binali at nilabag nila ang kalooban ng Diyos. Tunay ngang ang tao ang gumagawa ng batas para sa ikabubuti ng kanyang sarili. Ngunit makatuwiran bang lumikha tayo ng batas na magdadala sa atin sa tiyak na kasalanang pang-moral at pang-ispiritwal?
Kahit na sabihin pang makamoderno na ang panahon ngayon at kailangan na nating maki-ayon sa agos ng mga nangyayari, isa pa ring napakalaking kasalanan ang same-sex marriage. Liberated na nga ang henerasyon ngayon subalit hindi naman sana ito ang magtulak sa atin sa kasalanan.
Akin pong nililinaw, ang pag-ibig ay hindi kasalanan. Ang kasalanan lamang ay ang pagpili sa mali at hindi tamang taong iibigin. Malaya tayong makapamimili ng ating mapapangasawa. Nasa ating palad ang sarili nating kaligayahan. Maaari tayong umibig sa kahit kanino hangga’t wala tayong naaapakang ibang tao, ibang prinsipyo’t paniniwala at hindi natin nalalabag ang ninanais ng Poong Lumikha. Kaya nga nilikha sina Adan at Eba hindi ba? Dahil sila ang magkapareha. Sila ang nararapat sa isa’t isa.
Sa mga kristiyanong bansa tulad ng Pilipinas, mahigpit na kinokondena ang pagpapakasal ng magkaparehong kasarian lalong-lalo na ng simbahang katoliko. Subalit bakit may ilang kaparian dito sa ating bansa ang nagkakasal ng same sex? Hindi nga ba’t naibalita ito sa telebisyon na naganap sa lungsod ng Baguio ? Ayon sa nagkasal, isinaalang-alang niya ang kaligayahan ng dalawang taong tunay na nagmamahalan anuman ang kanilang kasarian. Inulan tuloy siya ng batikos at puna hindi lamang ng simbahan kundi maging ng mga taong lubos na naniniwalang hindi dapat pahintulutan ang mainit na paksa.
Bilang isa sa komokondena sa same-sex marriage, nananawagan ako sa pamahalaan na hindi dapat nila ito pahintulutan at huwag ipapasa kung sakali ang gagawing panukalang batas upang maging legal ito. Sa simbahang katoliko naman, sana ay mapanatili natin ang tunay na kahulugan ng kasal at mapangalagaan ang kasagraduhan nito.
Ang SAME-SEX MARRIAGE ay isang kasalanan!
SAME-SEX MARRIAGE tutulan!!!
No comments:
Post a Comment