Ibang iba na nga talaga ang panahon ngayon. Ika nga ng karamihan, Computer Age na. Alam kong walang sinuman ang may kakayahang pigilan ang pag-usbong ng panahon.Kasabay ng bawat pag-ikot ng mundo ay ang pagbabago rin ng mga tao. Pagbabago na tama para sa kasulukuyan at mali kung ang huhusga ay ang nakaraan.
Isa na rito ang bagay na hindi nalalaos, ang Pag-ibig. Sabi nga nila, bukod sa mangarap, libre lang din ang magmahal. Tama nga naman, walang bayad. Kung ating susuriin iba iba rin ang pagpapakahulugan ng tao sa salitang ito. Ito ay depende sa kung anong estado ng buhay at panahon mayroon sila. Ngunit kahit ano pa mang estado o mundo ang kinabibilangan nila, lahat ay nakahandang lumuhod sa ngalan ng nakabubulag na Pag-ibig.
Hindi na lingid sa ating mga kaalaman ang pagiging mahigpit ng ating mga magulang pagdating sa puntong tayo na ang nagmamahal, hindi natin sila masisi sapagkat alam naman nating tanging ang kapakanan at kaligtasan lamang natin ang pinoprotektahan nila.
Likas sa isang lalaki at babae na magkaroon ng atraksyon sa isa't isa. Dala ng pagbibinata at pagdadalaga, natututo ang mga kabataan na magdesisyon para sa sarili nila. Ngunit dapat din nating tandaan na hindi dapat mawala ang gabay ng ating mga magulang. Makipagtulungan sana ang bawat ama sa bawat ina sa kanilang bawat anak na maging maayos ang kanilang samahan bilang isang pamilya.
Pag-ibig, ito'y nakapaghihintay sa tamang panahon ngunit hindi rin dapat pinalalagpas ang pagkakataon. Kaya para sa lahat, Ano nga ba ang mas matimbang sa iyo, Pamilya o Pag-ibig?