Sanay na sanay tayong mga Pilipino na balikan ang isang tao o bagay kapag ito ay wala na sa ating mga kamay. Alam naman nating kailangang-kailangan natin ngunit hinahayaan pa rin nating maglakad papalayo sa atin. Maaaring tao, bagay o pangyayari. Maraming posibilidad. Maraming mga bagay ang maaaring pangyarihan nito.
Sa pag-ibig. Sabi ni Jhy sa akin noon sa tuwing makakikita kami nang magkarelasyon, "Hindi magtatagal yan." Oo-- siguro nga hindi sila magtatagal kung paiiralin nila sa kanilang mga sarili na hindi sila ang para sa isa't isa. Hindi sila magtatagal kung gagawa sila ng alam naman nilang hindi nila magugustuhang pareho. Kung may magtataas ng kanyang pride at magtatago nang nararamdaman. Kung may naglilihim o naghahanap ng iba.
Sa pamimili. Malaki ang pinagkaiba nina Nanay at Tatay. Kapag nagpupunta kami sa mall ay magkaiba sila nang pamamaraan nang pagbili. Bago kuhanin ni Nanay ang isang bagay ay lilibutin niya muna ang buong department store, minsan sa botique. Si Tatay naman ay kung ano ang makursunadahan ay yon na ang bibilhin. Maya-maya, kapag may nakita nanamang maganda ay babalikan at pag-iisipan. Ngunit huli na ang lahat, nakapagbayad na. Napapabuntong-hininga na lamang siya sapagkat mas maganda ang makalawa niyang nakita.
Simple lang naman ang gusto kong iparating sa inyo, pangatawanan sana natin ang mga bagay at desisyong ating ginagawa. Ang hirap kasi sa atin, kung kailan wala na ay tsaka hahabulin. Pagkahabol mo ay may iba nang hinahabol, may iba nang nakabili. Ang sakit diba? Ang sarap sabihin na sana ako nalang ulit... o di naman kaya ay sana ang oras ay pwedeng ibalik.
No comments:
Post a Comment