Sa haba ng oras na inaksaya ko sa pagpila para lamang sa kursong hindi ko inaasahan, pakiramdam ko napurga ang buo kong katawan. Akala ko wala akong mararating, akala ko hindi ko magugustuhan. Nagkamali pala ako. Akala ko lang yon.
Alam kong pare-pareho lang tayong napunta sa kursong hindi nating gusto at magpahanggang sa ngayon ay nagtitiyaga tayo kahit alam nating pare-pareho na hindi tayo kuntento. Alam ko na may kanya-kanya tayong gustong gawin sa buhay, may iba't ibang pangarap-- ngunit nasakripisyo lahat, sukdulang maglakad tayong lahat sa basag na salamin maitawid lang ang ating mga sarili sa naghihingalong porsyento ng mga kabataang nakatutungtong sa PUP. Sayang-- yan ang nasa isip nating lahat.
Sino nga ba ang tunay na sayang sa mundong ito? Lakas-loob kong sasabihin na ang mga taong walang pagpapahalaga sa kanilang sariling wika ang tunay na sayang sa mundo. Hindi lamang sayang kundi walang kwenta. Oo, mahalaga ang pag-aaral ng banyagang wika. Kung tutuusin ay dapat halos lahat ng tao ay maalam nito-- ngunit bakit natin yayakapin pati kultura ng mga taong nagsasalita ng wikang banyaga? At bakit tila yata yumayabang na ang mga manggagamit nito?
Sino pa ang tunay na sayang sa mundong ito? Ang mga taong pilit tayong niyuyurakan dahil mainit daw ang ating uniporme. Naku, kung alam ko lang kaya dumami ang mga naka vest sa pamantasan ay dahil sa amin. Mainit pero kayang-kayang dalhin. Kaya nga pilit ginagaya e, diba?
Sino pa ang tunay na sayang sa mundong ito? Ang mga taong hindi nabibigyan nang pagkakataon na ipakita at patunayan ang sarili. Sa ating kurso, nabibigyan tayo ng pag-asa at pagkakataon na ipahayag ang ating saloobin-- kahit may mga pagkakataong nabibingi ang mga dapat makarinig. Ang pinaka masayang pangyayari ay ang pagpapakita natin ng ating mga talento tuwing Buwan ng Wika at Linggo ng Kolehiyo. Hindi ba't kaysarap mapanuod ng pagkarami-raming estudyante? Kaya nga may sumayaw din ng Singkil noong isang araw-- grabe, ganyan na ba talaga tayo kagaling?
Oo, mayabang na ako kung mayabang. Iyan marahil ang nagawa ng kurso sa akin. Natuto kong ipagmayabang ang sarili ko, ang sariling atin-- ang pagiging Pilipino.
palakpakan.
ReplyDeletedi man ako obligadong magkomento,
di ako kontento
na sarilihin ang alam ko
na magaling ang
sanaysay mong ito.