Thursday, September 8, 2011

Lalaki o Babae ni Samantha Karen D. Morano


Lalaki o babae?
Isa sa mga ilang katanungan
Marami na ang makakalat sa lansangan
Ngunit ano nga ba talaga ang kanilang tunay na kasarian
Lalaki nga ba o Babae?

Tatanggapin ba sila, kung sila'y gitna
O sadyang babasura ang kanilang sariling kagustuhan
Mahirap magdesisyun;
Kung ikaw mismo ay naguguluhan
saan ka lulugar?

Sinasabing sa mundong ito ikaw ay malaya
Kasama sa karapatan ng tao ang magkaroon ng kalayaan
Ngunit kasama ba sa karapatan ang mamili ng kasarian
O sadyang sariling kagustuhan lamang ang kailangan pakinggan
Ano dapat ang gagawin?

Ano nga ba ang pipiliin?
Ano nga ba ang nakakalamang?
Ang kasarian na mula pa noon pinanganak
O ang minimithi na kasarian?
Kailangan ng pagdesisyunan

MEDUSA ni Benilda S. Santos


Siya na nakapantalon
at mainit ang hininga
inihiga ako sa gilid ng mundo
at tiningnan nang tiningnan

hanggang sa mangalisag
ang aking buhok
at sa tinding galit at takot
maging ahas ang bawat isa sa kanila
gutom na gutom
sa lasa ng laman
ng labing may pawis ng pagnanasa

hanggang sa madurog
ang aking puso
at sa di mapatid na sakit at pait
maging bato ito
malamig na malamig ang pintig

ngayong lupang latag na latag na
ang aking katawan
sa ilalaim ng malulupit mong talumpakan
ikaw naman ang aking titingnan nang titingnan

hanggang sa matuyo ka sa apoy ng aking mga mata
at sipsipin ng bawat ahas kong buhok
ang bawat patak ng dugo sainyong mga uga
at masimot ang kaliit-liitang kutob ng buhay

Namamangha ka sa liyab ng aking higanti?
Ay! Ikaw ang guro ko't hari at lalaki

Wednesday, September 7, 2011

Ang Grupong Kanan

Ang websayt na ito ay naglalayong buksan ang kaisipan ng bawat mambabasa patungkol sa isyung pangkasarian at kulturang Pilipino. Maaaring magkaugnay sa isa't isa at maaari rin namang magkaibang talakay. Tunghayan ninyo ang kahusayan ng mga mag-aaral ng AB Filipinolohiya, grupong kanan, sa pagsisipi ng mga akdang kikintal sa inyong mga puso at magmumulat sa inyong mga mata't diwa patungkol sa isyung tatalakayin.

Paunang pananalita pa lamang ito. Abangan ang mga susunod na babasahin. Magandang araw!