Saturday, October 8, 2011

Bayanihan Upang Maibalik ang Bayanihan

ni: Judcee Mae Dijos



Hindi naman natin kailangang makibuhat pa sa kubong nangangailangan ng paglilipat para masabing nakipagbayanihan tayo.

Paano naman natin maibabalik ang magandang-asal na ito?

Una, hindi natin kailangang maghintay na may humingi sa atin ng tulong. Panatilihin nating malakas ang ating pakiramdam mula sa mga nangangailangan.

Ikalawa, alamin kung ano ang kapasidad mong tumulong. Nasa kakayahan mo bang mag-donate ng mga pangunahing pangangailangan para sa mga nasalanta ng kalamidad o ang kaya mo lang ay ang tumawag at ipaalam sa awtoridad kung sino ang nangangailangan at kung saang lugar ang nakaranas ng mapanirang bagyo. Hindi natin kailangang magtaglay ng malaking halaga ng pera upang tumulong.

Ikatlo, magtaglay nawa tayo ng mapagpakumbabang pagkatao. Kung magpapainbabaw lang tayo at ang tangi lang nating gusto ay pahangain ang tao, mabuti pang wag nang ituloy ang ibinabalak nating mapagkunwaring pagtulong. Kung magsasauli tayo ng gamit na napulot natin, na hindi naman natin pag-aari, alamin natin ang ating motibo kung bakit natin napagdesisyunang isauli iyon. Malibang sa pamamagitan lang ng media maisasauli ang isang partikular na bagay na nakita natin.

Ikaapat, wag tayong magkaroon ng pananaw na lahat ng tutulungan natin ay makapagsusukli sa atin ng anumang bagay bilang kabayaran. Walang puwang para sa panunumbat. Mabuti pang hindi tayo tululong kaysa makasakit tayo gamit ang mga salitang may panunumbat.

Maliban sa apat na mga naimungkahing paraan upang masimulan nating maibalik ang kulturang bayanihan, alam kong may naiisip pa kayo kung paano matin mapagtatagumpayan ang pangkulturang isyu na ito. Tulungan niyo akong makaisip pa ng maraming paraan.

Magbayanihan tayo na maibalik muli ang kulturang Bayanihan. Dahil ang pagpapanumbalik ng pagkakakilanlan nating ito ay ang pagbabalik ng ating pagiging makatao.


No comments:

Post a Comment