Sanaysay na nakaadress sa Klase
Filipinolohiya: Salamin ng Ating Kinabukasan
“Batsilyer ng Sining sa Filipinolohiya”. Ano nga ba ito para sa mga guro ng Filipino at sa atin bilang mag-aaral na nagpapakadalubhasa sa kursong ito?
Kultura na ng mga Pilipino ang pagkahilig sa gawa o produkto na galing pa sa ibang bansa. ‘State-side’ ika nga. Mahilig din tayong tumanggap ng mga salitang kaaya-aya sa ating pandinig na tila pang-sosyal dahil pakiramdam natin ay tumataas ang estado natin sa buhay. Colonial mentality ang tawag sa pag-uugaling ito ng mga Pinoy.
Sa pagpili ng kurso sa kolehiyo, iniisip natin hindi lamang kung ano ang ating magiging propesyon sa hinaharap, binibigyang pagpapahalaga rin ang pangalan ng kurso. Hindi man makatwiran pero iyan ang totoo. Mayroon ngang pumipili ng kurso dahil naengganyo sa ganda ng pangalan nito. Sa pagpasok natin sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, wala sa plano natin na kunin ang kursong AB Filipino. Tama nga namang mas masarap at kaaya-ayang pakinggan ang kursong Bachelor of Science in Information Technology, Bachelor in Broadcast Communication Research, Bachelor of Science in Hotel and Restaurant Management, Bachelor of Science in Tourism o ng iba pang ‘tunog -sosyal’ na kurso. At syempre, kapag may nagtanong kung ano ang kurso mo, taas-noo at buong pagmamayabang na sasabihin ang isa sa mga kursong nabanggit.
Minsan ay magtanong sa amin kung ano ang aming kurso. Sumagot kami na Batsilyer ng Artes sa Filipinolohiya ang aming kinukuha subalit sunod agad nilang tanong, “Ano ‘yon? Mayroon bang ganoon?” at ngingisi na parang nang-iinsulto. Hindi ko alam kung sino ang dapat na mahiya. Ako ba dahil sa kurso kong hindi pang-sosyal ang dating o sila na tinuringang Pilipino ngunit hindi alam at tila walang ideya kung ano ang AB Filipino? Naitanong ko sa aking mga kamag-aral kung ano ang sinasagot nila sa pagkakataong katulad niyon, natatawa nilang sinasabing teaching o di nama’y mass com. Minsan naman daw ay ini-ingles nila upang may dating at maging sosyal sa pandinig at nagiging “Bachelor of Arts in Filipinology minor in Mass Communication/ Teaching”. Bakit kaya hindi nila kayang sabihin kung ano talaga ang kurso nila?
Isa pang kulturang Pinoy na nakaaapekto sa pagpili ng kurso ay ang pagiging gaya-gaya natin. Naiingit tayo at gustong gumaya sa kurso ng ating mga kapatid o kaibigan lalo na kung tipong pang-sosyal ang dating. Hindi sumagi sa isip natin ang AB Filipino. Aminin man natin o hindi, inggitero tayong mga Pilipino.
Kultura rin natin ang pagkakaroon ng awtoridad ng mga magulang sa buhay ng kanilang mga anak. Sila ang nagkokontrol sa mga bagay na dapat o di dapat para sa anak at pinagpipilitan ang gusto nila. Sila rin ang pumipili ng kurso at di man lang tinatanong ang anak kung ano ang nais niya. At sa malamang, hindi rin sumagi sa isip ng mga magulang na kunin ang AB Filipino para sa anak.
Ang pagkakaroon ng ‘titulo’ sa buhay ay napakahalaga sa mga Pilipino. Ito ay patunay ng pagkamit natin sa mataas na edukasyon. Sa pagpasok sa kolehiyo, iniisip natin kung anong titulo o propesyon ang makakamit natin sa hinaharap.
Ano nga ba ang magiging kinabukasan natin sa AB Filipinolohiya ? Napagtanto ko kung gaano kahalaga ang kursong ito hindi lamang sa larangan ng pagtuturo at pamamahayag. Mahalaga rin ito sa aspetong pang-kultural ng mga Pilipino. Napakalawak ng saklaw nito at kayang mahigitan pa ang mga ‘tunog-sosyal’ na kurso.
Ang kulturang Pilipino ay nakaaapekto sa ating landas na tatahakin at sa kung ano tayo sa kinabukasan. Hanggang ngayon, aminin niyo man o hindi, mayroon pa ring nagtatangka na kumawala rito at nagnanais na magpalit ng kurso. Hanggang ngayon, may iilan pa ring hindi matanggap ang AB Filipino. Subalit masasabi kong mapalad ako sa kurso kong ito. Mapalad ako sapagkat tadhana ang nagdala sa akin dito at tiyak ang aking magandang kinabukasan.
Ipinagmamalaki kong AB Filipino ako!
Sa lahat ng mga dalubgurong nagtataguyod sa kursong ito, saludo po ako sa inyo!
No comments:
Post a Comment