Talumpating Pang-Ispiker
Kulturang Pilipino sa Buhay ng mga Pinoy
Ni: Jenice G. Orpeza
Mapalad po ako sapagkat nakatayo ako ngayon sa inyong harapan bilang panauhing tagapagsalita. Nakatindig ako bilang isang Pilipino kaharap ang mga kalahi ko.
Sa lahat ng mga panauhing pandangal, sa mga guro, sa mga mag-aaral, at sa lahat ng mga Pilipino, isang napakagandang araw po sa ating lahat!
Nais ko munang pasalamatan ang puno at mga tagapamahala ng palatuntunang ito sa pag-anyaya sa akin bilang tagapagsalita sa paksang, “Kulturang Pilipino sa Buhay ng mga Pinoy”. Isang napakalaking pribelihiyo po ang matalakay sa mga kapwa ko Pilipino ang paksang nabanggit.
Ang kulturang Pilipino noon hanggang sa kasalukuyang panahon ay hindi nawawala. Nananalaytay na sa ating mga dugo ang ating kultura. Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa at lalayo sa aking punto ukol sa paksa. Maihahambing ko ang ating kultura sa kanin na ting kinakain. Ang mga Pilipino ba ay makatitiis at makakayanang hindi na kumain ng kanin? Hindi ba’t hindi? Ang mga Pilipino ano man ang kainin ay hindi nakukuntento hangga’t di nakakakain ng kanin sapagkat ito ang isa sa ating ikinabubuhay. Ito ang pinagmumulan ng ating lakas. Parang kultura rin natin ‘yan. Hindi natin ito maitatakwil upang palitan ng ibang kultura dahil tiyak na hindi tayo makukuntento at magiging masaya. Ang ating luktura ang pinaghuhugutan ng lakas ng ating lipi.
Ang kulturang Pilipino ay hindi natin sinasadyang gawin upang masabing tayo nga ay mga Pilipino. Dahil nga nasa iisang bansa tayo, iisa ang ating disiplina, pareho ang ating galaw at iisa ang takbo ng ating pag-iisip. Abutin man ng ilang henerasyon at ilang milyong taon, ang kulturang Pilipino ay mananatili sa ating katauhan at araw-araw nating naisasagawa ng hindi namamalayan.
Hanggang may bansang Pilipinas, may lahing Pilipino. At hanggang may Pilipino, mananatiling buhay ang kulturang Pilipino.
Muli, isang napakaganda at pinagpalang araw pos a ating lahat.
Mabuhay ang kulturang Pilipino, mabuhay tayo!
No comments:
Post a Comment