Saturday, October 8, 2011

Ang Tunay na Lalake

Ang tunay na lalake ay marunong maghintay. Ang anumang desisyon ay may kaakibat na responsibilidad. Sa bawat aksyon ay kailangang mag-ingat.


"Ang kabataan ay siyang pag-asa ng bayan" ang pahayag atang ito ng ating pambansang bayani ay tila unti-unti ng nawawalan ng saysay. Sa panahong kasalukuyan ay paaga na ng paaga ang mga nagsisipag-asawa. Ang mga pag-aasawang walang basbas at tila kasal lang sa "kama". Ang pagpasok sa sitwasyong ito ay hindi isang kaning isusubo at iluluwa kapag napaso.


Ang lalake ang siyang magiging ama at siyang haligi ng tahanan. Ang responsibilidad na ito ay sadyang napakabigat, lalo't nagmahalan ang presyo ng mga bilihin at iba pang pangunahing gastusin. Sa edad bang katorse, kinse, o kahit disesyete ay maka-pagtataguyod na ng isang pamilya? malamang sa malamang ay hindi. Ano ang ipakakain nila sa mga magiging anak nila kung maging sa pag-aaral hindi sila nakatapos? hindi rin sila makapaghahanap ng trabaho sa murang edad upang may ipang-tustos.

kailangan nating isa-isip at isa-puso na ang pakikipag-relasyon ay hindi kailangang madaliin. Ang paigiging tinedyer ay hindi nangangahulugang panahon na para makaranas ng buhay may asawa. Maaaring magkaroon ng kasintahan, Oo ngunit hindi pa maaring lumabis doon.

Naaalala ko pa ang laging bukang bibig ng aking lolo na ang pangliligaw daw noon ng mga kalalakihan ay talagang pinaghihirapan. Bago raw makuha ang kamay ng iyong iniirog ay daranasin mo muna ang hirap ng buhay. Nariyan ang pagsisibak ng kahoy, pag-iigib ng tubig at pangangaso. Pagsubok na susukat kung hanggang saan ang kanyang pagpupursigi sa pagpapasyang panliligaw. Subalit ngayon, ang kababaihan na mismo ang siyang nagbibigay motibo sa mga kalalakihan at kadalasan ay sila pa ang nanliligaw.

sadya atang kay bilis na ng panahon, kabataan ay mas malakas pa kung humampas kaysa sa alon. Nagiging sakit sa ulo ng bagong henerasyon. 'Sing bilis ng hangin kung mag-desisyon.

Aanhin ko ang karanasang sekswal? kung isa lang naman ito sa kailangan ng tao na maaari ring hindi pagtuunan ng pansin. Pangangailang hindi ko naman ikamamatay kung hindi ko gagawin at pupunan. Hindi ako tutulad sa mga kabataang napariwara at na sabik sa tawag ng buhay. Naniniwala pa rin ako na kung anong ikina-ganda ng mayroon ka ngayon ay makakamit mo ng higit pa sa takdang panahon.

(sanaysay na maaring ipanlaban)

No comments:

Post a Comment