Sadyang napakapupusok ng mga kabataan ngayon. Halikan dito, halikan doon. Akala ba nila ay maganda itong tignan? Sunod sa uso at pagpapakita nang pagmamahal? Sa bayang ito, sa bansang ito-- hindi tinatanggap ang mga iyan.
Bilang isang politiko na nagnanais pakinisin ang mga kahoy na sinulatan ng mga walang modong kabataan, ituwid ang mga bakal na ipinapalo nila sa hita ng mga nangnanais sumama sa kanilang grupo, puksain ang pornograpiyang lumalaganap dahil sa kahirapan at droga, itigil ang maagang pag-aasawa at pakikipagtalk-- naniniwala ako na hindi natin kailangang magmadali.
Kabataan, naaalala mo ba ang sinabi ni Rizal? Pag-asa ka ng bayang ito kaya bakit mo sisirain? Bakit ka gagawa ng alam mong makasisira lamang sa iyong kinabukasan? Hinihintay ka nalang ng iyong kahahantungan ngunit bakit ka nagpalit ng daan? Huwag mong hayaan na mahulog ka sa maling landas, sa maling tao at sa maling sitwasyon. Huwag mong isipin na uso ang fraternity sapagkat wala itong maidudulot kundi kapahamakan. Hindi ito kaastigan kundi kaduwagan. Huwag mong sundin ang iyong nababaliw na puso, ang droga at alak ay maling takbuhan. Maaaring maging maginhawa ka ngayon ngunit bukas ay nandiyan pa rin ang problema.
Kabataan, ang pag-aasawa ay hindi parang kaning isusubo. Huwag kang magmadaling tikman ang sarap at sakit nang pakikipagtalik dahil maaari itong magbunga ng hindi inaasahang binhi. Ang murang edad na dapat naglalaro pa sa labas at winasak ng isang mayabang at malakas na loob na mahirap. Oo, mahirap naman talaga-- nakapagtataka nga lang kung saan kumukuha nang pambili ng yosi at alak. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, bakit pa rin kayo pumapatol sa alam ninyong wala kayong mararating?
Kabataan, ikaw ang makapag-aangat sa bansang ito. Ang iyong pambihirang katangian at kaisipan ang kailangan ng bansang ito. Ang mga kurakot at matatandang walang alam kundi magpasarap at magnakaw ay huwag mong pahintulutang makapanlinlang pa. Tumayo ka at ipaglaban ang iyong karapatan pati ipagmalaki ang iyong katangian.
Inuulit ko, huwag kayong magmadali. Ang mga bagay sa mundong ito ay mabilis na dumarating, maghintay ka lang at ito ay mararanasan mo rin.
No comments:
Post a Comment