Ang kay Juan ay kay Juan, ang kay Pedro ay kay Pedro
Ni: Angeline Espeso
(sanaysay na pasok sa politikong pangangampanya)
Sa pagbulusok ng iba’t ibang suliranin sa ating bansa, kapansin-pansin na bukod sa mga politiko ay maituturing na isa sa mga pinakamaingay ay ang mga lider ng simbahang Katliko –kapwa mainit na pinagdidiskusyunan ang mga lunas na ninanais nila para sa sambayanan.
Malimit na makisangkot sa usapan ang mga pinuno ng simbahan tuwing may mga isyu na nasasagasaaan na mga bagay tungkol sa relihiyon. Halimbawa na lamang ng napapanahon na argument ukol sa RH (Reproductive Health) Bill, divorse at same sex marriage kung saan nahahati ang panig ng gobyerno at ng simbahang Katoliko. Ang diskusyong ito ay tulad na lamang ng argumento na may paksang “ano ang nauna, ang itlog ba o ang manok?” Ang para kay Juan , ang nauna ay ang itlog samantalang ang kay Pedro ay ang manok. Bukod sa napakahabang pagtatalo, parehas pang may tama, magkakatalo lamang sa mga maling punto.
Hindi matapos-tapos ang mga argumento dahil sa iba ang pinaglalabanang pananaw sa pagitan ng kung ano ang tama ayon sa Bibliya at tama sa paningin ng mga tao –pagitan ng moral at lohikal na pananaw.
Si Juan ay tinitingnan ang dapat na gawin base sa kalagayan ng pangkasalukuyang ekonomiya para sa ikabubuti ng taong bayan samantala si Pedro ay titnitingnan ang dapat gawin base sa pangangalaga at pagpapanatili nila ng ating kultura at pananampalataya.
Tama si Juan dahil kung ano ang napapanahon na isyu, napapanahon rin ang solusyon na magiging lunas. Tama rin si Pedro dahil iniisip niya na solusyon ay ang pangangalaga sa moralidad at kasagraduhan ng pamilyang Filipino.
Oo, para sa akin, parehas tama. Kapwa may punto. Ngunit magkaiba ng prinsipyo. Ang kay Juan ay kay Juan, ana kay Pedro ay kay Pedro. Bakit hindi na lamang magtulungan kayo, nang sa gayon ay hindi nahihirapan mamili sa pagitan ninyo, ang mamamayang katulad ko?
No comments:
Post a Comment