Ñguní at ñgayong dumating ang balitang sa inyong bayang Malolos, napagkilala kong ako'y namalí, at ang tuá ko'y labis. Dí sukat ako sisihin, dí ko kilala ang Malolos, ni ang mga dalaga, liban sa isang Emilia, at ito pa'y sa ñgalan lamang.
Ñgayong tumugon kayo sa uhaw naming sigaw ñg ikagagaling ñg bayan; ñgayong nagpakita kayo ñg mabuting halimbawa sa kapuá dalagang nagnanasang paris ninyong mamulat ang mata at mahañgo sa pagkalugamí, sumisigla ang aming pag-asa, inaaglahì ang sakuná, sa pagka at kayo'y katulong na namin, panatag ang loob sapagtatagumpay. Ang babaing tagalog ay di na payukó at luhod, buhay na ang pagasa sa panahong sasapit; walá na ang inang katulong sa pagbulag sa anak na palalakhin sa alipustá at pagayop. Di na unang karunuñgan ang patuñgó ñg ulo sa balang maling utos, dakilang kabaitan ang ñgisi sa pagmura, masayang pangaliw ang mababang luhá. Napagkilala din ninyo na ang utos ñg Dios ay iba sa utos ñg Parí, na ang kabanalan ay hindi ang matagal na luhod, mahabang dasal, malalaking kuentas, libaguing kalmin, kundí ang mabuting asal, malinis na loob at matuid na isip. Napagkilala din ninyo na dí kabaitan ang pagkamasunurin sa ano mang pita at hiling ñg nagdidiosdiosan, kundi ang pagsunod sa katampata't matuid, sapagka't ang bulag na pagsunod ay siyang pinagmumulan ñg likong paguutos, at sa bagay na ito'y pawang nagkakasala. Dí masasabi ñg punó ó parí na sila lamang ang mananagot ñg maling utos; binigyan ñg Dios ang bawat isa ñg sariling isip at sariling loob, upang ding mapagkilala ang likó at tapat; paraparang inianak ñg walang tanikalá, kundí malayá, at sa loob at kalulua'y walang makasusupil, bakit kayá ipaaalipin mo sa iba ang marañgal at malayang pagiisip? Duag at malí ang akalá na ang bulag na pagsunod ay kabanalan, at kapalaluan ang mag isipisip at magnilay nilay. Ang kamangmañgan'y, kamangmañgan at dí kabaita't puri. Di hiling ñg Dios, punó ñg kataruñgan, na ang taong larawan niya'y paulol at pabulag; ang hiyas ñgisip, na ipinalamuti sa atin, paningniñgin at gamitin. Halimbawá baga ang isang amang nagbigay sa bawat isang anak ñg kanikanyang tanglaw sa paglakad sa dilim. Paniñgasin nila ang liwanag ñg ilaw, alagaang kusá at huag patain, dala ñg pag-asa sa ilaw ñg iba, kundí magtulongtulong magsangunian, sa paghanap ñg daan. Ulol na di hamak at masisisi ang madapá sa pagsunod sa ilaw ñg iba, at masasabi ng ama: "bakit kita binigyan ng sarili mong ilaw?" Ñguni't dí lubhang masisisi ang madapá sa sariling tanglaw, sapagka't marahil ang ilaw ay madilim, ó kayá ay totoong masamá ang daan.
Ugaling panagot ng mga may ibig mang ulol, ay: palaló ang katiwalá sa sariling bait; sa akalá ko ay lalong palaló ang ibig sumupil ng bait ng iba, at papanatilihin sa lahat ang sarili. Lalong palaló ang nagdidiosdiosan, ang ibig tumarok ng balang kilos ng isip ng DIOS; at sakdal kapalaluan ó kataksilan ang walang gawá kundí pagbintañgan ang Dios ng balang bukang bibig at ilipat sa kanya ang balá niyang nasá, at ang sariling kaaway ay gawing kaaway ng Dios. Dí dapat naman tayong umasa sa sarili lamang; kundí magtanong, makinig sa iba, at saka gawain ang inaakalang lalong matuid; ang habito ó sutana'y walang naidaragdag sa dunong ng tao; magsapinsapin man ang habito ng huli sa bundok, ay bulubundukin din at walang nadadayá kungdí ang mangmang at mahinang loob. Nang ito'y lalong maranasan, ay bumili kayo ng isang habito sa S. Francisco at isoot ninyo sa isang kalabao. Kapalaran na kung pagka pag habito ay hindí magtamad. Lisanin ko ito at dalhin ang salitá sa iba.
Sa kadalagahang punlaan ng bulaklak na mamumuñga'y dapat ang babai'y magtipon ng yamang maipamamana sa lalaking anak. Ano kaya ang magiging supling ng babaing walang kabanalan kundí ang magbubulong ng dasal, walang karunuñgan kungdí awit, novena at milagrong pangulol sa tao, walang libañgang iba sa panguingue ó magkumpisal kayá ng malimit ng muli't muling kasalanan? Ano ang magiging anak kundí sakristan, bataan ng cura ó magsasabong? Gawá ng mga ina ang kalugamian ngayon ng ating mga kababayan, sa lubos na paniniwalá ng kanilang masintahing pusó, at sa malaking pagkaibig na ang kanilang mga anak ay mapakagaling. Ang kagulañga'y buñga ñg pagkabatá at ang pagkabata'y nasa kanduñgan ñg ina. Ang inang walang maituturó kundí ang lumuhod humalik ñg kamay, huwag magantay ng anak ng iba sa duñgó ó alipustang alipin. Kahoy na laki sa burak, daluro ó pagatpat ó pangatong lamang; at kung sakalí't may batang may pusong pangahas, ang kapangahasa'y tagó at gagamitin sa samá, paris ng silaw na kabag na dí makapakita kundí pag tatakip silim. Karaniwang panagot ang una'y kabanalan at pagsinta sa Dios. Ñguní at ano ang kabanalang itinuró sa atin? Magdasal at lumuhod ng matagal, humalik ng kamay sa parí, ubusin ang salapí sa simbahan at paniwalaan ang balang masumpuñgang sabihin sa atin? Tabil ng bibig, lipak ng tuhod, kiskis ng ilong..... bagay sa limos sa simbahan, sangkalan ang Dios, may bagay baga sa mundong ito na dí arí at likhá ng Maykapal? Ano ang inyong sasabihin sa isang alilang maglimos sa kayang panginoon ng isang basahang hiram sa nasabing mayaman? Sino ang taong dí palaló at ulol, na mag lilimos sa Dios at magaakalang ang salantá niyang kaya ay makabibihis sa lumikhá ng lahat ñg bagay? Pagpalain ang maglimos sa kapus, tumulong sa mayhirap, magpakain sa gutom; ñguní at mapulaan at sumpain, ang biñgi sa taghoy ng mahirap, at walang binubusog kundí ang sandat, at inubos ang salapí sa mga frontal na pilak, limos sa simbahan ó sa frayleng lumalañgoy sa yaman, sa misa de gracia ng may tugtugan at paputok, samantalang ang salaping ito'y pinipigá sa buto ñg mahirap at iniaalay sa pañginoon ñg maibili ng tanikalang pangapus, maibayad ng verdugong panghampas. Ó kabulagan at kahiklian ng isip!
Ang unang kabanalan ay ang pagsunod sa matuid, anoman ang mangyari. "Gawá at hindí salitá ang hiling ko sa inyo" ani Cristo; "hindí anak ni ama ang nagsasabing ulit-ulit ama ko, ama ko, kundí ang nabubuhay alinsunod sa hiling ñg aking ama." Ang kabanalan ay walá sa pulpol na ilong, at ang kahalili ni Cristo'y di kilala sa halikang kamay. Si Cristo'y dí humalik sa mga Fariseo, hindi nagpahalik kailan pa man; hindí niya pinatabá ang may yaman at palalong escribas; walá siyang binangit na kalmen, walang pinapagcuintas, hiningan ng pamisa, at di nagbayad sa kanyang panalangin. Di napaupa si San Juan sa ilog ng Jordan, gayon din si Cristo sa kanyang pangangaral. Bakit ngayo'y ang mga pari'y walang bigong kilos na di may hinihinging upa? At gutom pa halos nagbibili ng mga kalmen, cuentas, correa at ibapa, pang dayá ng salapi, pampasamá sa kalulua; sa pagkat kalminin mo man ang lahat ng basahan sa lupá, cuintasin mo man ang lahat ng kahoy sa bundok ibilibid mo man sa iyong bayawang ang lahat ng balat ng hayop, at ang lahat na ito'y pagkapaguran mang pagkuruskurusan at pagbulongbulongan ng lahat ng pari sa sangdaigdigan, at iwisik man ang lahat ng tubig sa dagat, ay di mapalilinis ang maruming loob, di mapatatawad ang walang pagsisisi. Gayon din sa kasakiman sa salapi'y maraming ipinagbawal, na matutubos kapag ikaw ay nagbayad, alin na ngá sa huag sa pagkain ng karne, pagaasawa sa pinsan, kumpari, at iba pa, na ipinahihintulot kapag ikaw ay sumuhol. Bakit, nabibili baga ang Dios at nasisilaw sa salaping paris ng mga pari? Ang magnanakaw na tumubos ng bula de composicion, ay makaaasa sa tahimik, na siya'y pinatawad; samakatuid ay ibig ng Dios na makikain ng nakaw? Totoo bagang hirap na ang Maykapal, na nakikigaya sa mga guarda, carabineros ó guardia civil? Kung ito ang Dios na sinasamba ñg Frayle, ay tumalikod ako sa ganyang Dios.
Maghunos dilí ngá tayo at imulat natin ang mata, lalong laló na kayong mga babai, sa pagka't kayo ang nagbubukas ng loob ng tao. Isipin na ang mabuting ina ay iba, sa inang linalang ng fraile; dapat palakhin ang anak na malapit baga sa larawan ng tunay na Dios, Dios na dí nasusuhulan, Dios na dí masakim sa salapí, Dios na ama ng lahat, na walang kinikilingan, Dios na dí tumatabá sa dugó ng mahirap, na dí nagsasaya sa daing ng naruruhagi, at nangbubulag ng matalinong isip. Gisingin at ihandá ang loob ng anak sa balang mabuti at mahusay na akalá: pagmamahal sa puri, matapat at timtimang loob, maliwanag na pagiisip, malinis na asal, maginoong kilos, pagibig sa kapuá, at pagpipitagan sa Maykapal, ito ang ituró sa anak. At dahil ang buhay ay punó ng pighatí at sakuná, patibayin ang loob sa ano mang hirap, patapañgin ang pusó sa ano mang pañganib. Huag mag antay ang bayan ng puri at ginhawa, samantalang likó ang pagpapalaki sa batá, samantalang lugamí at mangmang ang babaing magpapalaki ñg anak. Walang maiinom sa labó at mapait na bukal; walang matamis na buñga sa punlang maasim.
Malaki ngang hindí bahagyá ang katungkulang gaganapin ng babai sa pagkabihis ng hirap ng bayan, nguni at ang lahat na ito'y dí hihigit sa lakas at loob ng babaing tagalog. Talastas ng lahat ang kapanyarihan at galing ng babayi sa Filipinas, kayá ñgá kanilang binulag, iginapus, at iniyukó ang loob, panatag sila't habang ang iba'y alipin, ay ma-aalipin din naman ang lahat ng mga anak. Ito ang dahilan ng pagkalugamí ng Asia; ang babayi sa Asia'y mangmang at alipin. Makapangyarihan ang Europa at Amerika dahil duo'y ang mga babai'y malaya't marunong, dilat ang isip at malakas ang loob.
Alam na kapus kayong totoo ñg mga librong sukat pagaralan; talastas na walang isinisilid araw araw sa inyong pagiisip kundí ang sadyang pang bulag sa inyong bukal na liwanag; tantó ang lahat na ito, kayá pinagsisikapan naming makaabot sa inyo ang ilaw na sumisilang sa kapuá ninyo babayi; dito sa Europa kung hindí kayamutan itong ilang sabi, at pagdamutang basahin, marahil ay makapal man ang ulap na nakakubkob sa ating bayan, ay pipilitin ding mataos ñg masantin na sikat ñg araw, at sisikat kahit banaag lamang ... Dí kami manglulumo kapag kayo'y katulong namin; tutulong ang Dios sa pagpawí ñg ulap, palibhasa'y siya ang Dios ñg katotohanan; at isasaulí sa dati ang dilag ñg babaying tagalog, na walang kakulañgan kundí isang malayang sariling isip, sapagka't sa kabaita'y labis. Ito ang nasang lagì sa panimdim, na napapanaginip, ang karañgalan ñg babaying kabiak ñg pusó at karamay sa tuá ó hirap ñg buhay: kung dalaga, ay sintahin ñg binatá, di lamang dahilan sa ganda ó tamis ñg asal, kundí naman sa tibay ñg pusó, taas ñg loob, na makabuhay baga at makapanghinapang sa mahiná ó maruruwagang lalaki, ó makapukaw kayá ñg madidilag na pagiisip, pag isang dalaga bagang sukat ipagmalaki ñg bayan, pagpitaganan ñg iba, sapagka at karaniwang sabi sabi ñg mga kastilá at pari na nangagaling diyan ang karupukan at kamangmañgan ñg babaying tagalog, na tila baga ang mali ñg ilan ay malí na nang lahat, at anaki'y sa ibang lupá ay walá, ñg babaing marupok ang loob, at kung sabagay maraming maisusurot sa mata ñg ibang babai ang babaying tagalog..... Gayon ma'y dala marahil ñg kagaanan ñg labí ó galaw ñg dilá, ang mga kastilá, at parí pagbalik sa Espanya'y walang unang ipinamamalabad, ipinalilimbag at ipinagsisigawan halos, sabay ang halakhak, alipustá at tawa, kundí ang babaing si gayon, ay gayon sa convento, gayon sa kastilang pinatuloy, sa iba't iba pang nakapagñgañgalit; sa tuing maiisip, na ang karamihan ng malí ay gawá ñg kamusmusan, labis na kabaitan, kababaan ñg loob ó kabulagan kayang kalalañgan din nila..... May isang kastilang nagayo'y mataas na tao na, pinakai't pinatuloy natin sa habang panahong siya'y lumiguyliguy sa Filipinas ... pagdating sa Espanya, ipinalimbag agad, na siya raw ay nanuluyang minsan sa Kapangpañgan, kumai't natulog, at ang maginoong babaying nagpatuloy ay gumayon at gumayon sa kanya: ito ang iginanti sa napakatamis na loob ng babayi ... Gayon din ang unang pahili ng pari sa nadalaw na kastila, ay ang kanyang mga masusunuring dalagang tagahalik ng kamay, at iba pang kahalo ang ñgiti at makahulugang kindat ... Sa librong ipinalimbag ni Dn. Sinibaldo de Mas, at sa, iba pang sinulat ng mga pari, ay nalathala ang mga kasalanang ikinumpisal ng babai na di ilinilihim ng mga pari sa mga dumadalaw na Kastila, at kung magkaminsan pa'y dinadagdagan ng mga kayabañgan at karumihang hindi mapaniniwalaan ... Di ko maulit dito ang mga di ikinahiyang sinabi ng isang fraile kay Mas na di nito mapaniwalaan ... Sa tuing maririnig ó mababasa ang mga bagay na ito'y itinatanong namin kung Santa Maria kaya ang lahat ng babaying kastila, at makasalanan na kaya baga ang lahat ng babaying tagalog; ñguni kong sakali't magsumbatan at maglatlatan ng puri'y ... Datapua't lisanin ko ang bagay na ito, sapagka't dí ako paring confesor, ó manunuluyang kastilá, na makapaninirá ñg puri ng iba. Itabi ko ito at ituloy sambitin ang katungkulan ñg babai.
Sa mga bayang gumagalang sa babaing para ñg Filipinas, dapat nilang kilanlin ang tunay na lagay upang ding maganapan ang sa kanila'y inia-asa. Ugaling dati'y kapag nanliligaw ang nagaaral na binata ay ipinañgañganyayang lahat, dunong, puri't salapi, na tila baga ang dalaga'y walang maisasabog kundi ang kasamaan. Ang katapang-tapañga'y kapag napakasal ay nagiging duag, ang duag na datihan ay nagwawalanghiya, na tila walang ina-antay kundi ang magasawa para maipahayag ang sariling kaduagan. Ang anak ay walang pangtakip sa hina ñg loob kundi ang alaala sa ina, at dahilan dito, nalunok na apdo, nagtitiis ñg tampal, nasunod sa lalong hunghang na utos, at tumutulong sa kataksilan ñg iba sa pagka't kung walang natakbo'y walang manghahagad; kung walang isdang munti'y walang isdang malaki. Bakit kaya baga di humiling ang dalaga sa iibigín, ñg isang marañgal at mapuring ñgalan, isang pusong lalaking makapag-ampon sa kahinaan ng babai, isang marangal na loob na di papayag magka anak ng alipin? Pukawin sa loob ang sigla at sipag, maginoong asal, mahal na pakiramdam, at huwag isuko ang pagkadalaga sa isang mahina at kuyuming puso. Kung maging asawa na, ay dapat tumulong sa lahat ng hírap, palakasin ang loob ng lalaki, humati sa pañganib, aliwin ang dusa, at aglahiin ang hinagpis, at alalahaning lagi na walang hirap na di mababata ñg bayaning puso, at walang papait pang pamana, sa pamanang kaalipustaan at kaalipinan. Mulatin ang mata ñg anak sa pagiiñgat at pagmamahal sa puri, pagibig sa kapua sa tinubuang bayan, at sa pagtupad ñg ukol. Ulituliting matamisin ang mapuring kamatayan saalipustang buhay. Ang mga babai sa Esparta'y sukat kunang uliran at dito'y ilalagda ko ang aking halimbawa:
Nang iniaabot ñg isang ina ang kalasag sa papasahukbong anak, ay ito lamang ang sinabi: "ibalik mo ó ibalik ka," ito ñga umuwi kang manalo ó mamatay ka, sapagkat ugaling iwaksi ang kalasag ñg talong natakbo ó inuwi kaya ang bangkay sa ibabaw ñg kalasag. Nabalitaan ñg isang ina na namatay sa laban ang kanyang anak, at ang hukbo ay natalo. Hindi umiimik kundi nagpasalamat dahil ang kanyang anak ay maligtas sa pulá, ñguni at ang anak ay bumalik na buhay; nagluksa ang ina ñg siya'y makita. Sa isang sumasalubong na ina sa mga umuwing galing sa laban, ay ibinalita ñg isa na namatay daw sa pagbabaka ang tatlong anak niya,—"hindi iyan ang tanong ko ang sagot ñg ina, kundi nanalo ó natalo tayó?—Nanalo ang sagot ñg bayani. Kung ganoo'y magpasalamat tayo sa Dios!" ang wika at napa sa simbahan.
Minsa'y nagtagó sa simbahan ang isang napatalong harí nila, sa takot sa galit sa bayan; pinagkaisahang kuluñgin siya doon at patain ñg gutum. Ñg papaderan na ang pinto'y ang ina ang unang nag hakot ñg bato. Ang mga ugaling ito'y karaniwan sa kanila, kayá ñga't iginalang ng buong Grecia ang babaing Esparta. Sa lahat ñg babai, ang pulá ñg isa ay kayo lamang na taga Esparta ang nakapangyayari sa lalaki. Mangyari pa, ang sagot ñg babai, ay kami lamang ang nagaanak ñg lalaki. Ang tao, ñg mga Esparta ay hindí inianak para mabuhay sa sarili, kungdi para sa kanyang bayan. Habang nanatili ang ganitong mga isipan at ganitong mga babai ay walang kaaway na nakatungtong ñg lupang Esparta, at walang babaing taga Esparta na nakatanaw ñg hukbo ng kaaway.
Dí ko inaasahang paniwalaan ako alang-alang lamang sa aking sabi: maraming taong dí natingin sa katuiran at tunay, kundí sa habito, sa putí ñg buhok ó kakulangan kayá ng ngipin. Ñguní at kung ang tanda'y magalang sa pinagdaanang hirap, ang pinagdaan kong buhay hain sa ikagagaling ng bayan, ay makapagbibigay ñg tandá sa akin, kahit maiklí man. Malayó ako sa, pagpapasampalataya, pag didiosdiosan, paghalili kayá sa Dios, paghahangad na paniwalaa't pakingang pikit-mata, yukó ang ulo at halukipkip ang kamay; ñguni't ang hiling ko'y magisip, mag mulaymulay ang lahat, usigin at salain kung sakalí sa ngalan ng katuiran itong pinaninindigang mga sabi:
Ang una-una. "Ang ipinagiging taksil ñg ilan ay nasa kaduagan at kapabayaan ñg iba."
Ang ikalawa. Ang iniaalipustá ng isa ay nasa kulang ñg pagmamahal sa sarili at nasa labis ñg pagkasilaw sa umaalipustá.
Ang ikatlo. Ang kamangmañga'y kaalipinan, sapagkat kung ano ang isip ay ganoon ang tao: taong walang sariling isip, ay taong walang pagkatao; ang bulag na taga sunod sa isip ng iba, ay parang hayop na susunod-sunod sa talí.
Ang ikaapat. Ang ibig magtagó ñg sarili, ay tumulong sa ibang magtagó ñg kanila, sapagkat kung pabayaan mo ang inyong kapuá ay pababayaan ka rin naman; ang isa isang tingting ay madaling baliin, ñguní at mahirap baliin ang isang bigkis na walis.
Ang ika-lima. Kung ang babaing tagalog ay dí magbabago, ay hindí dapat magpalaki ñg anak, kungdí gawing pasibulan lamang; dapat alisin sa kanya ang kapangyarihan sa bahay, sapagka't kung dili'y ipag kakanulong walang malay, asawa, anak, bayan at lahat.
Ang ika-anim. Ang tao'y inianak na paris-paris hubad at walang talí. Dí nilalang ñg Dios upang maalipin, dí binigyan ñg isip para pabulag, at dí hiniyasan ñg katuiran at ñg maulol ñg iba. Hindí kapalaluan ang dí pagsamba sa kapuá tao, ang pagpapaliwanag ñg isip at paggamit ñg matuid sa anomang bagay. Ang palalo'y ang napasasamba, ang bumubulag sa iba, at ang ibig paniigin ang kanyang ibig sa matuid at katampatan.
Ang ika-pito. Liniñgin ninyong magaling kung ano ang religiong itinuturó sa atin. Tingnan ninyong mabuti kung iyan ang utos ng Dios ó ang pangaral ni Cristong panglunas sa hirap ñg mahirap, pangaliw sa dusa ñg nagdudusa. Alalahanin ninyo ang lahat ñg sa inyo'y itinuturó, ang pinapatuñguhan ñg lahat ng sermon, ang nasa ilalim ng lahat ng misa, novena, kuintas, kalmen, larawan, milagro, kandilá, corea at iba't iba pang iginigiit, inihihiyaw at isinusurot araw-araw sa inyong loob, taiñga, at mata, at hanapin ninyo ang puno at dulo at saka iparis ninyo ang religiong sa malinis na religion ni Cristo, at tingnan kung hindí ang inyong pagkakristiano ay paris ng inaalagang gatasang hayop, ó paris ng pinatatabang baboy kayá, na dí pinatatabá alang alang sa pagmamahal sa kaniya, kundí maipagbili ng lalong mahal at ng lalong masalapian.
Magbulay-bulay tayo, malasin ang ating kalagayan, at tayo'y mag isip isip. Kung itong ilang buhaghag na sabi'y makatutulong sa ibinigay sa inyong bait, upang ding maituloy ang nasimulan ninyong paglakad.
"Tubó ko'y dakilá sa puhunang pagod" at mamatamisin ang ano mang mangyari, ugaling upa sa sino mang mañgahas sa ating bayan magsabi ng tunay. Matupad nawá ang inyong nasang matuto at harí na ñgang sa halaman ñg karunuñgan ay huwag makapitas ñg buñgang bubut, kundí ang kikitili'y piliin, pagisipin muná, lasapin bago lunukin, sapagka't sa balat ñg lupá lahat ay haluan, at di bihirang magtanim ang kaaway ng damong pansirá, kasama sa binhí sa gitná ñg linang.
Ito ang matindin nasá ñg inyong kababayang si
JOSÉ RIZAL
Europa, 1889.
Europa, 1889.
No comments:
Post a Comment