Kanina: marunong kang mangharana…pero ngayon sa text idinadaan ang pagporma. Kanina: nagmamano si apo…pero ngayon dinadaan-daanan na lang si lola. Kanina: lahat ay sabay na kumakain… ngayon nagkakanya-kanya. Kanina: ang bihis ni Maria Clara ay hanggang sakong…ngayon ay parang wala na. Oo wala na. Panis na yata ang ating maiinam na gawa. Kasama nang nailibing ng ating mga ninuno ang tunay at dalisay nating kultura.
Kailangan pa ba itong problemahin? Sino ang dapat sisihin?
Sa makabagong panahong ito, maraming bagay ang nakaaapekto kung bakit nagiging iba ang anyo ng ating kaugalian. Nariyan ang mga taga-kanluranin; ang media; ang nakauubos-oras na mga teknolohiya anupat wala na tayong panahon sa mahahalagang bagay, sa mahahalagang tao at sa pagpapatibay ng pamilya. Ang iba naman ay isinisisi ang lahat ng ito sa mismong pagdaan ng panahon.
Ang panahon daw ang magtatakda ng lahat. Idadahilan ng iba na iyon naman ang uso. Wala raw dapat ikabahala gayong natural lang daw ang mga ito. Kung anong ginagawa ng karamihan, iyon na rin daw ang magiging pangmalas mo.
Pero hindi natin kailangang maging bukas sa lahat ng pagbabago.
Ang pag-ikot ng mundo ay hindi nangangahulugang paglimot sa kung sino ang kaaya-ayang “tayo”. Hindi ang bawat paglipat ng pahina ng kalendaryo ang magtatakda ng sariling tama at mali. Hindi ang pagdating ng bagong araw at pagtatapos ng bawat gabi ang magpapangyaring abandonahin natin ang magagandang asal natin. Hindi ang pagpatak ng bawat segundo ang maghuhudyat ng pagbaluktot sa katwiran kahit ang pananaw ng ilan ay:
“Ang oras at panahon ang makapagsasabi kung ano ang magiging katanggap-tanggap sa lipunan sa hinaharap. Ito ang papanday kung tayo’y magiging mapanuri o magiging mababaw sa paraan ng pagpili natin sa susunod na mga araw.”
Gayunman, hindi ba’t walang ama ang papayag na masungkit ang kanyang prinsesa sa pamamagitan lang ng isang elektronikong kagamitan; Magkaroon man siya ng apo, hindi niya nais na ang batang iyon ay hindi magmano. Walang mga anak ang may nais na mag-isa sa hapag. Walang dilag na hindi gustong maging maganda sa paraang kagalang-galang rin naman.
Lahat tayo inaasam ang isang lipunan na maligaya, kung saan masasapatan ang lahat ng ating kailangan ng hindi naikokompromiso ang mataas na pamantayang moral.
Hindi lang ang iba’t-ibang relihiyon, politika at mga artista ang may isyu. Nanganganib na ang ating kultura. Ibalik natin ang “kanina” – kung sino ang kaaya-ayang “tayo”.
Kung sino tayo kanina ay nagbago na kung sino tayo ngayon. Gamitin natin ang “panahon” hindi upang kunsintuhin ang maling mga pagbabago. Oo, hindi upang kunsintihin ang maling pagbabago.
Huwag nating hahayaang tayo ang baguhin ng panahon. Sa halip, tayo ang kanyang magiging panginoon. Huwag nawang maniwala sa tadhana na siyang nakahahandlang sa ating pagsulong. Ang pagsamba sa “tadhana” ang unti-unting maghahain ng bagong putahe sa ating hapag; unti-unti nitong ipakikilala sa atin na dapat na nating tanggapin na wala na tayong pag-asang ibalik ang ating mabubuting asal “kanina” – may pagsuyó, pagkamagalang, pagpapahalaga sa pamilya at kahinhinan. Kung naniniwala ka sa tadhana, tinatanggap mo na wala ka nang magagwa at na hindi mo na kayang baguhin ang mga pangyayari kung paanong ang taho ay sa umaga lang at ang balut ay sa gabi.
No comments:
Post a Comment