Saturday, October 8, 2011

Bago Pa Natin Masabing "Huli Na"

ni: Judcee Mae Dijos



“Gustong-gusto kong makakita ng mga dead end signs. Mabuti pa sila may tendensiyang ipaalam sa iyo na wala ka nang patutunguhan.” – Bugs Bunny.


Naroon na nga tayo (hindi sa dead end). Takot ka ngang talaga sa sinturon niya. Takot ka sa kurot at sa kanyang mabagsik na mata. Lahat ay idinadaan natin sa takot. Kailan ba natin titimplahan ng pag-ibig ang pagsunod sa kanila? Oo, sa ating mama at papa.


Ang mga magulang natin ang nagtatakda ng mga dapat at hindi dapat gawin. Kasali rito ang tungkol sa paggawa mo ng takdang-aralin, mga gawain sa bahay, oras ng pag-uwi pati na ang mga limitasyon sa panonood ng TV at sa paggamit cellphone at kompyuter. Hinihigpitan din nila tayo sa paggawi galing sa eskwelahan at pagpili ng mga kaibigan. Pakiramdam nga natin ay hindi tayo malaya dahil sa mga restriksyong ito. Bilang mga kabataan, madalas nating malabag ang mga utos nila pero kumbinsido tayo na kailangan natin ang mga iyon para magkaroon ng kaayusan sa buhay – para mabatid natin kung saan may dead end; para malaman natin kung saang kalye ang walang patutunguhan at kung saan ang daan ng kaginhawahan.


Ang pagsunod sa ating mga magulang ay gaya ng obligasyong magbayad sa bangko – kapag hindi ka pumapalya sa iyong obligasyon, lalaki ang tiwala nila sa’yo. Kasabay ng ating matapat na pagkatakot na palugdan sila, at ang pagkadama na obligasyon lang ito, paano natin titimplahan ng pag-ibig ang pagtupad sa mga tuntunin nila?

Isipin ang motibo nila. Ipagpalagay na nating nagkakamali rin sila sa mga panahong sobrang higpit nila. Malamang na desperado na kasi sila na maihiwalay tayo mula sa mundong maligalig kung saan ang mga pamantayan ay mababa.


Ipakita mong mapagkakatiwalaan ka. Tularan natin ang ilustrayon sa itaas tungkol sa pagbabayad sa bangko.


Pasulungin ang paraan ng pakikipag-usap sa kanila. Magmungkahi ng mga bagay na mapagkakasunduan natin at ng ating magulang ng hindi nalalabag ang utos nila. Kung mali ang mga interpretasyon nila sa ating mga kilos o pananalita, magpaliwanag sa kanila sa matapat na paraan. Walang puwang para sa pananahimik kung ito nama’y magalang at may halong pag-ibig.


Hindi ako nagmamalinis. Misan ko na ring nasagot ng pabalang ang aking ina’t ama. Ang latay ng kanilang palo ang tanging paalaala sa akin noon na ako’y masuwayin na. Pero ngayon, hindi mo makakasama ang mga magulang mo sa paaralan. Nasa iyo na kung susundin mo ang bilin nila o lilihis ka ng daan. Mas mabuti kaya kung walang mga batas?


Naiinggit ang karamihan kung may kakilala silang mga kaedaran nila na pinapayagang umuwi ng bahay kahit anong oras, magsuot ng kahit anong damit, uminom ng alak kasama ng barkada at maglakwatsa kahit saan at kahit kalian. Mag-isip tayong muli. Batid ba nating mas kaawaawa ang kanilang kalagayan at malamang na sila’y mapahamak dahil pinapalaki sila sa gayong paraan? Ang mga batang kinukunsinti ng kanilang magulang, anupat laki sa layaw, ay karaniwan nang lumalaking makasarili at walang utang-na-loob. Hindi rin naman natin gusting mapariwara hindi ba?


Mapalad pa rin tayo kahit hindi tayo nakakakita ng literal na mga babala ng dead end sa ating tinatahak na daan ng buhay dahil may mga magulang tayo – ang ating maibiging tagapayo. Nawa ay hindi natin madagdagan ang mga katagang binanggit ni Bugs Bunny sa ganitong paraan: “Gustong-gusto kong makakita ng mga dead end signs. Mabuti pa sila may tendensiyang ipaalam sa iyo na wala ka nang patutunguhan, samantalang ako, parang walang magulang.”


May isang bagay akong naranasan. Isang bagay na higit sa karaniwan. Hindi ko sasabihin sa’yo. Alalahanin mo muna ang utos ng iyong ina; magpakadalubhasa sa mga iwinika ng iyong ama at sumunod ka muna sa kanila ng taimtim tsaka mo malalaman ang aking lihim.

No comments:

Post a Comment