Gaya-gaya
Ni: Angeline Espeso
(sanaysay na pwedeng gamitin para sa isang timpalak ng talumpatian)
Kilala ba ninyo si Captain Hook? Kung oo, diba siya ‘yung pinuno ng mga pirata sa pelikulang Peter Pan? Eh, si Juan Dela Cruz, kilala ba ninyo siya? Kung hindi ako nagkakamali, isa na siya ngayon sa mga pirata na masarap ipakain kay Lolong _gaya-gaya kasi.
Kung papasinin natin ang mga gamit sa ating mga tahanan, paaralan, at iba pang mga gusali, iilan lamang dito ang gawa at produkto ni Juan. Halimbawa na lamang ng mga cellphones na china phones, Hermes bag na amoy goma, sapatos na tatak ay nike pero bukas makalawa ang swelas ay pudpod na.’Yung tipong kahit mumurahin at hindi orig , basta tatak sikat para angat ay papatulan. Pati nga ang bihis at pananamit ay may pinaghanguan na mga sikat na personalidad na idolo ni Juan doon sa kanluran saka roon sa mga naniningkit ang mga mata.
Sa industriya naman ng aliwan, mapa-radyo man o telebisyon ay mas nanmamayagpag ang mga kanta at programang banyaga. Natabunan ang OPM ( Original Pinoy Music) ng mga kanta Nila Justin Bieber, Taylor Swift, Lady Gaga, Bruno Mars at iba pang banyagang mang-aawit. Pustahan ‘yung iba diyan, nagkaroon ng LSS (Last Song Syndrome) sa lyrics ng “Boom, badoom, boom
Boom, badoom, boom, he got that super bass” at “Teach me how to dougie , Teach me how to dougie, Teach me how to dougie, Teach me how to dougie”. Kasabay ng pagpatok nito ay kaalinsabay din ng pagkakaroon ng Filipino version nito. Merong isinasatagalog o kaya naman ay binabago nga genre mg musika na kadalasan ngayon ay acoustic version. Maging sa ating mga telebisyon, minsan na ring nagawan ng mga Filipino version ang mga tinangkilik nating mga asianovela at reality shows –mga pagtangkilik na nauuwi sa panggagaya.
Ilan lamang sa mga nabanggit ko sa mga naidulot ng impluwensiya ng banyagang bansa. Dahil sa pagyakap at pagtanggap natin ng kanilang kultura, nasasakripisyo ang ating sariling kultura at kalinangan. Unti-unti ng nawawala ang pagkakakilanlan nating mga Filipino. Ang pagkawala nito ay pagkawala na rin na ating kultura. Patuloy ang pagbabago bawat henerasyon, hindi masamang makisabay sa takbo nito pero huwag nating iwan ang nakaraan ng ating pinagmulan. Pinagmulan na dapat nating panatilihin at paularin.
Hanggang gaya-gaya na lamang si Juan? Siyempre hindi! Napakarami at punong-puno ng talento si Juan. Alam ko balang-araw, magkakaroon din siya ng sariling pagkakakilanlan, makapagbibigay ng impluwensiya sa ibang bansa, ‘yung siya naman yung gagayahin at magiging bida -siya na talaga! daBEST siya! Nasimulan na nga ito sa tulong na rin ni Shamcey, pinaanod niya si Lolong sa pamamagitan ng kanyang mabagsik na tsunami catwalk at re-rescue pa si Pacquiao para tuluyang i-knock out si Lolong. Ngayon, si Captain Hook lamang ang dapat ipakain kay Lolong, hindi kailanman si Juan.
No comments:
Post a Comment