kay bilis nga naman ng panahon, ilan sa nakagawian at nakasanayan ay tila nakalimutan dahil sa makabagong henerasyon. Makabago dahil sinasakop tayo ng teknolohiyang pumapatay sa simple nating pamumuhay. Ang simple ngunit puno ng biyaya ay tila hindi na mararanasan ng bagong sibol na mga kabataan.
Tandang-tanda ko pa noon, inaabot kami ng takip-silim sa paglalaro. Ang sigaw at hiyaw namin ay walang humpay at parang ayaw pahinto. Ang lansangan ay buhay na buhay sa aming paglalaro na siyang namana sa mga kadugo. Tumbang preso, sipa, kadang-kadang at patintero ay ilan lang sa aming libangan upang sa bahay ay 'di maburyo.
Sa pagpasok ng mga makabagong imbensyon, unti-unting nabaling ang ating atensyon sa lason na lilimot sa tamis ng kahapon. Kung dati-rati ay nasa labas ang mga kabataan, ngayon ay halos hindi lumalabas sa kanilang mga tahanan. Ito marahil ay dulot ng mga "gadgets" at bagong laruang nakalilibang nang di ka kailangang pagpaguran. Sa pagsulpot pa lang ng PSP, XBOX, GAMEBOY, COMPUTER at samahan pa ng INTERNET ay hindi mo na makikitang maglalaro ang mga kabataan ngayon ng mga larong ipinamana sa atin. Bakit ka nga naman magpapakapagod pa sila upang magpalipas oras kung mayroon namang laruan na di mo na kailangang pagpawisan?
Muli tayong inaalipin ng hindi natin napapansin kung patuloy nating tatangkilikin ang impluwensya ng dayuhan. Ang impluwensiyang magiging dahilan upang ang magandang ala-ala ng nakaraan ay tuluyang makalimutan.
Opo, hindi masama ang pag-unlad. Ito pa nga ang asam natin para sa nakararami ngunit hindi lahat ng pag-unlad ay nakabubuti. Sana ay 'wag nating isan tabi ang kasabihang, " di makararating sa paroroonan ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan". Ang nakaraan ang humubog sa atin kung ano ang meron tayo ngayon. Sama- sama nating paunlarin ang pamana sa atin at mas tangkilikin natin ang sariling atin.
No comments:
Post a Comment