Thursday, September 29, 2011

Kulturang Pilipino: Impluwensiya ng Iba't ibang Kulturang Dayuhan

 Ni: Jenice G. Orpeza (Malayang Sanaysay)   

     Ang kultura ay salamin ng kasaysayan ng isang bansa. Isa rin ito sa kanyang pagkakakilanlan. Hindi ba't ang bawat bansa ay nagtataglay nito upang makilala sa buong mundo? Mula sa pananamit hanggang sa kilos at galaw ay may kanya-kanyang orihinalidad. Malaki rin ang papel na ginagampanan nito sa iba't ibang larangan-- ekonomiya, edukasyon, medisina, agrikultura maging sa politika. Mapalad tayo sapagkat mayamang kultura ang ipinamana sa atin ng ating mga ninuno.

     Tumpak nga ang depinisyon  ni Edward Tylor, isang anthropologist sa kultura. Ayon sa kanya, ang kultura ay sumasaklaw sa karunungan, pamahiin at paniniwala, sining, batas, kakayahan, pag-uugali at pagpapahalaga, tradisyon, damdamin at iba pang abilidad ng tao na kanyang nakamit at nalinang na maipamamana sa mga susunod na henerasyon sa pamamagitan ng wika at pagkakabuklod-buklod ng mga miyembro ng isang lipunan.

     Noon pa man ay mayaman at maunlad na ang kultura nating mga Pilipino. Hindi mabilang ang ating pamahiin at paniniwala. Gayundin, magkakabigkis ang ating pag-uugali at pagpapahalaga kahit pa nga mayroon tayong iba't ibang prinsipyo at disiplina sa buhay. Maaaring ito ay dulot na rin ng impluwensiya ng mga dayuhan na nakipagkalakalan sa ating mga ninuno bago pa man tayo napasailalim ng mga mananakop.

     Halimbawa sa mga kulturang banyaga na ating tinanggap ay ang paggamit ng paputok tuwing may pagdiriwang at paggamit ng kulay bilang tanda ng estado sa buhay ng mga Tsino. Namana naman natin sa mga Hindu ang pagbibigay ng dote sa magulang ng babaeng pakakasalan at pagsaboy ng bigas kapag may kasal. Napakarami pang gawain at paniniwala ang naisalin sa ating kultura ng mga banyagang mangangalakal.

     Samakatuwid, maituturing na ang kulturang Pilipino ay ang pinagsama-samang kultura ng mga karatig na bansa. Hindi ba't wala namang isang purong Pilipino dahil tayo ay produkto ng iba't ibang lahi tulad ng mga Ita, Indonesyo at Malayo? Gayunpaman, sila ang mga unang mamamayan ng Pilipinas na nagtamasa at nagpamana sa atin ng kulturang mayroon tayo ngayon.

     Hindi man nananalaytay sa atin ang dugo ng purong Pilipino, maipakikita at maipamamalas naman natin ang ating pagmamahal sa Pilipinas. Dahil dito, tayo ay tunay na Pilipino sa isip, sa puso at sa gawa.

7 comments: