Thursday, September 29, 2011

Becky Barako (ang baklang makata)

ni: Judcee Mae Dijos



Masaya ang lahat kapag kami ay bumanat

ng mga kalokohang kinakagat

ng masa at sa oras ng pagkabagot

ay sumasapat ang aming mga biro

na sa inyong hininga ay lumalagot.


Kami na ang mas bongga pa kaysa dalaga.

Kami na ang hindi mahinhin;

ngunit Maria Clara ring maituturing.

Kami na ang may wikang natatangi;

wikang ginagaya ng lahat ng uri.


Kami na ang nagpasimula ng kasiyahan

sa barangay tuwing kapistahan.

Kami na ang mga host na iniimbitahan

sa mga pakontest ni kapitan;

gayong hindi namin hangad ang katanyagan.


Kayo’y liligaya

kung kami’y inyong kabarkada.

Kaming may berdeng dugo,

wala man kaming matres,

bilang nami’y lumalago.


Ang pagsakay niyo lang sa aming mga biro

ay isa nang patotoo:

na ang aming lahi ay tanggap na ninyo.

Ngunit sa panahong ito,

hindi pa pala ganap ang aking pagkatao:


Masaya akong umuwi galing trabaho,

‘pagkat kayong lahat ay napasaya ko;

Anupat kumita ng pera para sa pamilya.

Sa pamilyang hindi ako kilala;

sa pamilyang tanyag bilang barako.


Papasok na ako sa aming pinto

at pagbubuksan ng aking ama.

Ngunit upang makaiwas sa kanyang kamao,

nagsinungaling ako, ‘di ko man gusto,

sinabi kong ako’y nagkarpintero.

No comments:

Post a Comment