Nangarap si lalaki
Pinangarap si babae.
Marami mang problema,
masikap na hinarana;
Napasagot din si ate.
Nangarap si lalaki
Nagako kay babae:
Kasalan sa simbahan;
Sa magulang ay pipisan.
Ngunit bibig niya’y bulaan.
Nangarap si lalaki
Bigo si babae.
Nagkasalkasalan;
Sa biyenan nanirahan.
Iyan na ang katotohanan.
Nangarap si lalaki;
Lumipad sa Saudi;
nagpadala ng tsokolate.
Masayang ibinalita ni babae:
Apelyido ni lalaki’y di nadale.
Nangarap si lalaki.
Umuwi rin ng dalidali.
‘Di kaya na ang pamilya
ay wala sa tabi.
Ngayon siya’y ipinagmamalaki.
Pangarap ni lalaki
ngayon ay di na simple.
Wikang dayuhan ay sinasalita.
Dating sapatos Marikina,
ngayo’y ngalang banyaga.
Nangarap si lalaki
Magandang buhay,
higit sa simple.
Anak niyang lalaki
maagang lumandi.
Nangarap si anak na lalaki;
Pinangarap ang makabagong babae:
Maria Clarang walang bahid pakipot,
‘Di makatwiran ang pagkamagiliw;
Taglay ang mapang-akit na kembot.
Anong pangarap ni anak na lalaki?
Binyag sa simbahan bago kasalan?
Buhay may asawa’y di alintana,
masapatan lang ang pagnanasa.
Ano pang silbi ng gitara?
No comments:
Post a Comment