"Saan niyo gustong kumain?" Iyan ang paulit-ulit na tanong ni Carlynn sa amin kanina bago namin pailisin sina Emman at Ina. May katabi kaming Jollibee, may madaraanang KFC pero ang bagsak ay sa McDonald's. Lahat pamilyar at may pagkakatulad, kung hindi manok ay ispageti, kung hindi fries ay burger. Fastfood chain.
Malilimot niyo ba ang paborito nating litanya noong mga bata pa tayo? Gusto natin ng kiddie party para makita ang mga mascot at party hat. Gusto natin ng chickenjoy ng Jollibee at ng McSpaghetti ng McDonald's. Gusto natin ng finger lickin' good na manok ng KFC. Bata nga kasi, mahilig sa leg part at ispageti-- para raw bida ang saya dahil love niya 'to.
Tumatanda man tayo ay hindi madaling nagbabago ang ating nakasanayan. Mas mura, mas masaya-- ang importante ay magkakasama ang barkada. Wala namang kwenta ang pagkain sa mamahaling restawran, ibabanyo mo rin naman yan pagkalipas ng ilang oras. Hindi tulad sa mga fastfood chain, buhay ka na sa P25-- maaaring regular na french fries o Coke float. Pwedeng-pwede nang pagsaluhan nang mag-kasintahan at kaibigan. Sulit na ang pera, tawid gutom pa.
Dahil sa mga fastfood chain na ito ay nagkaroon kami ng koneksyon ni Emman, ng kasintahan ko. Hindi ko na rin ikakaila ang ilan sa mga kaibigan kong sa McDonald's din nagsimula. May ilan na sa Jollibee dahil loyal daw sila sa pagiging Bida ang saya! Mauupo, mag-uusap, magtatanong kung ano ang pwedeng kainin, o-order si lalaki, magkekwentuhan-- 'yong may mas malalim na pagkakakilanlan. Sa mga kabataan kasi ngayon ay hindi na mahalaga ang class na tinutukoy, basta nagkakahalubilo, nagkakasama-- ayos na.
Naniniwala ako na naging malaki ang papel ng mga kaininang ito sa buhay ng tao. Natuto tayong magtipid para habulin ang 39ers at McSavers. Hindi nagpahuli ang KFC, meron na rin silang Streetwise. Kanya-kanyang adbertisment at pag-imbento ng kung ano-ano para lang dumami ang suki. Nabuo ang barkada sa paumpisang pagbili ng tatlong extra large fries at maraming-maraming ketsup. Nagtawanan hawak ang Coke float, naglambingan sa pamamagitan nang pagpapakagat kay mahal sa burger o pagsubo ng pagkain sa kaniyang bibig. Hindi nabigo ang mga kaininang ito upang tayo ay pagbigkisin, pasiyahin at higit sa lahat at paibigin. Hindi lamang sa mga taong kasama natin sa tuwing tayo ay papasok sa tindahan nila kundi pati sa pagkain na ating binabalik-balikan.
No comments:
Post a Comment