Ni Jenice G. Orpeza
Ang Pilipinas ay mayaman sa kultura
Maraming tradisyon at paniniwala
Iba't iba ang ugali maging ang disiplina
Ngunit iisa ang hangarin at adhika
Patungo sa pag-unlad nitong ating bansa.
Sa patuloy na pag-usad ng panahon
Mahalaga pa ba ang kultura't tradisyon
sa mga bagong sibol na henerasyon?
Kulturang Pilipino'y dapat pa bang panatilihin
o dapat ng palitan at tuluyang limutin?
Ang pagmamano ay matagal ng nakasanayan
ng lahing Pilipino noon pa man
Ginagawa pa ba ito ngayon ng kabataan?
Tila niwaglit na't tuluyang nalimutan
ang tanda ng paggalang sa'ting mga magulang.
Ang 'po' at 'opo' ay mga mabuting salita
Na sa ati'y itinuro noon pang tayo'y bata
Sa mga salitang ito bihasa na ang ating dila
Sana ay mapanatili at hindi mawala
Ang isa pang tanda ng paggalang sa nakatatanda.
Ang pagkakaroon ng 'utang na loob' sa ating kapwa
ay lubos nating pinapahalagahan at di binabalewala
Ang pagpapahalagang ito'y di ba't nakatutuwa?
Patunay na ang mga Pilipino'y matulunging kusa
Bunsod ng pakikipagkapwa-tao at di lamang ng awa.
Ilan lamang ito sa pag-uugali ng mga Pinoy
na dapat na panatilihin at ipagpatuloy;
Dapat na ikintal sa isipan ng kabataan
ang pagiging Pilipino at kulturang kinabibilangan
Na siyang ugat ng ating pagkakakilanlan.
No comments:
Post a Comment