Friday, October 7, 2011

Foodtrip Ni: Angeline Espeso

Foodtrip

Ni: Angeline Espeso

(malayang sanaysay)

Trip mo, trip ko, trip nating lahat ang kumain. Hindi na mawawala sa mga Pinoy ang pagkahilig sa pagkain,. Sa kaliwa’t kanan na tindahan ng mga pagkain, hanap-hanap natin ay ‘yung sulit na, masarap pa.

Mahilig sa foodtrip ang mga Pinoy, siyempre kapag kainan, ‘di mawawala sa ating mga bokabularyo ang magkantsawan ng LIBRE! LIBRE! LIBRE! Pero sa panahon ngayon, ang panlilibre ay nakabubutas ng ating mga bulsa. Kaya kapag nag-amok ang ating mga sikmura at ang tanging meron lamang tayo ay barya, aba! Walang problema! Nandiyan ang mga streetfoods –tinatawag natin na turo-turo ngunit ang totoo’y tinutusok ng stick.

Dala na rin siguro ng kahirapan kung kaya’t naglipana ang mga pwesto at mga nagtitinda ng mga turo-turo para magkaroon ng mapagkakakitaan sa pamamagitan lamang ng maliiit na puhunan na atin naming pinapatulan.

Bakit naman kaya patok ito? Kasi, amoy pa lang , hinilila ka na nito papalapit sa tindahan tapos aantayin mong maging kulay brown ‘yung niluluto ni kuya tapos kapag lumutang na ‘yung inaantay mo saka ka kukuha ng stick tapos tutusukin mo tapos isasawsaw sa trip mong sawsawan, matamis o maaanghang at kapag natikman mo na ay mapapa-want more, more, more, ka pa! Masarap talaga! Para sa akin ‘yun ang foodtrip. Mabisang naitatawid ang gutom ng nag-aamok na sikmura sa murang halaga.

Masasabi kong hindi ka Pinoy kung hindi ka pa nakatitikim na inihaw na isaw, goto, mani, balot, chicharon, fishballs, kikyam, kwek-kwek, tokneneng, pritong manok at iba pa. mga inembentong pika-pika na swak na sa bulsa, swak pa sa panlasa –bahagi ng pagiging henyo ng mga Pinoy sa panahon ng krisis.

Thursday, October 6, 2011

Same-Sex Marriage, Tutulan

Talumpating Nangangampanya

Same-Sex Marriage, Tutulan!
Ni: Jenice G. Orpeza

Ang kasal ang nagbibigkis sa dalawang taong nagmamahalan. Sinasabing ito ang pundasyon ng kanilang pagsasama habambuhay. Subalit hindi ba’t ang kasal ay para lamang sa pagitan ng babae at lalaki?

            Ang pag-ibig ay libre. Ito ay ipinagkaloob sa ating mga tao ng Diyos. May pag-ibig para sa Kanya, para sa sarili, para sa pamilya, para sa mga kaibigan at higit sa lahat, ang pag-ibig para sa taong nais mong makasama sa hirap at ginhawa, sa lungkot at saya hanggang sa dulo ng walang hanggan. ‘Till death do us part ika nga. Batid nating ang babae ay nilikha para sa lalaki at ang lalaki, para sa babae. Subalit paano kung ang gusto mong mahalin at makasama habambuhay ay ang kapareho mo ng kasarian na sa mata ng tao at sa mata ng Diyos ay hindi karapat-dapat?

            Sa mabilis na pagbabago ng panahon, unti-unting natatanggap ng lipunan ang relasyon ng dalawang magkapareho ang kasarian. Sa katunayan, maraming bansa sa Estados Unidos ang nagpapahintulot ng same-sex marriage. Samakatuwid, binali at nilabag nila ang kalooban ng Diyos. Tunay ngang ang tao ang gumagawa ng batas para sa ikabubuti ng kanyang sarili. Ngunit makatuwiran bang lumikha tayo ng batas na magdadala sa atin sa tiyak na kasalanang pang-moral at pang-ispiritwal?

            Kahit na sabihin pang makamoderno na ang panahon ngayon at kailangan na nating maki-ayon sa agos ng mga nangyayari, isa pa ring napakalaking kasalanan ang same-sex marriage. Liberated na nga ang henerasyon ngayon subalit hindi naman sana ito ang magtulak sa atin sa kasalanan.

            Akin pong nililinaw, ang pag-ibig ay hindi kasalanan. Ang kasalanan lamang ay ang pagpili sa mali at hindi tamang taong iibigin. Malaya tayong makapamimili ng ating mapapangasawa. Nasa ating palad ang sarili nating kaligayahan. Maaari tayong umibig sa kahit kanino hangga’t wala tayong naaapakang ibang tao, ibang prinsipyo’t paniniwala at hindi natin nalalabag ang ninanais ng Poong Lumikha. Kaya nga nilikha sina Adan at Eba hindi ba? Dahil sila ang magkapareha. Sila ang nararapat sa isa’t isa.

Sa mga kristiyanong bansa tulad ng Pilipinas, mahigpit na kinokondena ang pagpapakasal ng magkaparehong kasarian lalong-lalo na ng simbahang katoliko. Subalit bakit may ilang kaparian dito sa ating bansa ang nagkakasal ng same sex? Hindi nga ba’t naibalita ito sa telebisyon na naganap sa lungsod ng Baguio? Ayon sa nagkasal, isinaalang-alang niya ang kaligayahan ng dalawang taong tunay na nagmamahalan anuman ang kanilang kasarian. Inulan tuloy siya ng batikos at puna hindi lamang ng simbahan kundi maging ng mga taong lubos na naniniwalang hindi dapat pahintulutan ang mainit na paksa.

Bilang isa sa komokondena sa same-sex marriage, nananawagan ako sa pamahalaan na hindi dapat nila ito pahintulutan at huwag ipapasa kung sakali ang gagawing panukalang batas upang maging legal ito. Sa simbahang katoliko naman, sana ay mapanatili natin ang tunay na kahulugan ng kasal at mapangalagaan ang kasagraduhan nito.

Ang SAME-SEX MARRIAGE ay isang kasalanan!

SAME-SEX MARRIAGE tutulan!!!

Monday, October 3, 2011

Filipinolohiya: Salamin ng Ating Kinabukasan Ni: Jenice G. Orpeza

Sanaysay na nakaadress sa Klase

Filipinolohiya: Salamin ng Ating Kinabukasan

“Batsilyer ng Sining sa Filipinolohiya”. Ano nga ba ito para sa mga guro ng Filipino at sa atin bilang mag-aaral na nagpapakadalubhasa sa kursong ito?

Kultura na ng mga Pilipino ang pagkahilig sa gawa o produkto na galing pa sa ibang bansa. ‘State-side’ ika nga. Mahilig din tayong tumanggap ng mga salitang kaaya-aya sa ating pandinig na tila pang-sosyal dahil pakiramdam natin ay tumataas ang estado natin sa buhay. Colonial mentality ang tawag sa pag-uugaling ito ng mga Pinoy.

Sa pagpili ng kurso sa kolehiyo, iniisip natin hindi lamang kung ano ang ating magiging propesyon sa hinaharap, binibigyang pagpapahalaga rin ang pangalan ng kurso. Hindi man makatwiran pero iyan ang totoo. Mayroon ngang pumipili ng kurso dahil naengganyo sa ganda ng pangalan nito. Sa pagpasok natin sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, wala sa plano natin na kunin ang kursong AB Filipino. Tama nga namang mas masarap at kaaya-ayang pakinggan ang kursong Bachelor of Science in Information Technology, Bachelor in Broadcast Communication Research, Bachelor of Science in Hotel and Restaurant Management, Bachelor of Science in Tourism o ng iba pang ‘tunog -sosyal’ na kurso. At syempre, kapag may nagtanong kung ano ang kurso mo, taas-noo at buong pagmamayabang na sasabihin ang isa sa mga kursong nabanggit.

Minsan ay magtanong sa amin kung ano ang aming kurso. Sumagot kami na Batsilyer ng Artes sa Filipinolohiya ang aming kinukuha subalit sunod agad nilang tanong, “Ano ‘yon? Mayroon bang ganoon?” at ngingisi na parang nang-iinsulto. Hindi ko alam kung sino ang dapat na mahiya. Ako ba dahil sa kurso kong hindi pang-sosyal ang dating o sila na tinuringang Pilipino ngunit hindi alam at tila walang ideya kung ano ang AB Filipino? Naitanong ko sa aking mga kamag-aral kung ano ang sinasagot nila sa pagkakataong katulad niyon, natatawa nilang sinasabing teaching o di nama’y mass com. Minsan naman daw ay ini-ingles nila upang may dating at maging sosyal sa pandinig at nagiging “Bachelor of Arts in Filipinology minor in Mass Communication/ Teaching”. Bakit kaya hindi nila kayang sabihin kung ano talaga ang kurso nila?

Isa pang kulturang Pinoy na nakaaapekto sa pagpili ng kurso ay ang pagiging gaya-gaya natin. Naiingit tayo at gustong gumaya sa kurso ng ating mga kapatid o kaibigan lalo na kung tipong pang-sosyal ang dating. Hindi sumagi sa isip natin ang AB Filipino. Aminin man natin o hindi, inggitero tayong mga Pilipino.

Kultura rin natin ang pagkakaroon ng awtoridad ng mga magulang sa buhay ng kanilang mga anak. Sila ang nagkokontrol sa mga bagay na dapat o di dapat para sa anak at pinagpipilitan ang gusto nila. Sila rin ang pumipili  ng kurso at di man lang tinatanong  ang anak kung ano ang nais niya. At sa malamang, hindi rin sumagi sa isip ng mga magulang na kunin ang AB Filipino  para sa anak.

Ang pagkakaroon ng ‘titulo’ sa buhay ay napakahalaga sa mga Pilipino. Ito ay patunay ng pagkamit natin sa mataas na edukasyon. Sa pagpasok sa kolehiyo, iniisip natin kung anong titulo o propesyon ang makakamit natin sa hinaharap.

Ano nga ba ang magiging kinabukasan natin sa AB Filipinolohiya ? Napagtanto ko kung gaano kahalaga ang kursong ito hindi lamang sa larangan ng pagtuturo at pamamahayag. Mahalaga rin ito sa aspetong pang-kultural ng mga Pilipino. Napakalawak ng saklaw nito at kayang mahigitan pa ang mga ‘tunog-sosyal’ na kurso.

Ang kulturang Pilipino ay nakaaapekto sa ating landas na tatahakin at sa kung ano tayo sa kinabukasan. Hanggang ngayon, aminin niyo man o hindi, mayroon pa ring nagtatangka na kumawala rito at nagnanais na magpalit ng kurso. Hanggang ngayon, may iilan pa ring hindi matanggap ang AB Filipino. Subalit masasabi kong mapalad ako sa kurso kong ito. Mapalad ako sapagkat tadhana ang nagdala sa akin dito at tiyak ang aking magandang kinabukasan.

Ipinagmamalaki kong AB Filipino ako!

Sa lahat ng mga dalubgurong nagtataguyod sa kursong ito, saludo po ako sa inyo!

Kasarian: Sukatan ba ng ating Pagkatao? Ni: Jenice G. Orpeza


Piyesang Pangtalumpati


Kasarian: Sukatan ba ng ating Pagkatao?

“Ang kasarian ay hindi sapat na batayan upang husgahan ang kakayahan, abilidad at karunungan ng isang tao. Hindi rin ito ang sukatan ng kahalagahan ng tao sa mundo”.

Sa mga panauhin, sa aking pinipitagang mga guro, sa aking mga kapwa mag-aaral, sa lahat ng naririto, mga binibini at ginoo, malugod na pagpupugay po ang bati ko.

Nabanggit ko ang salitang binibini at ginoo. Hindi ba’t itong dalawang uri ng tao lamang ang nilikha ng Diyos? Batid nating ang binibini ay si Eba at si Adan naman ang ginoo. Ngunit saan nga ba nabibilang ang mga bakla at tomboy? Matanggap kaya ng Diyos na ang nilalang niyang si Eba ay nagnanais na maging si Adan at ang kanyang nilikhang si Adan ay gusto namang maging si Eba?

Ang mga bakla at tomboy ay nabibilang sa mundo ng “homosekswal”. Ito ay pagnanasang sekswal ng isang indibidwal sa kanyang kaparehong kasarian. Dulot nito ang pagbabago ng kanyang pag-uugali, kilos, pananalita maging sa pananamit na tulad ng kataliwas niyang kasarian. Sinasabing ang isang tao ay maaaring maging bakla o tomboy dahil sa impluwensiya ng kanyang kapaligiran na unang nagsisimula sa tahanan hanggang sa lipunang kanyang kinagagalawan.

Gayunpaman, nakaaapekto ba ang kasarian sa papel na ginagampanan natin bilang tao? Hindi mo masasabing ang ginagawa ng isang tunay na lalaki ay hindi kayang gawin ng isang bakla at ang mga gawaing pambabae ay hindi kayang gawin ng isang tomboy. Minsan pa nga’y nahihigitan pa nila ang kakayahan ng isang tunay na lalaki at babae. Hindi rin natin masasabing ang pag-unlad sa buhay ng tunay na lalaki’t babae ay hindi nila kayang matamasa. Minsan pa nga, sila pa ang nagtatagumpay.

Napakaraming kabilang sa homosekswal ang matagumpay ngayon sa buhay sa iba’t ibang larangan—mula sa pag-aartista, pagnenegosyo maging sa politika. Isang patunay ang negosyanteng si Joel Cruz na nagmamay-ari ng Aficionado perfume. Dahil sa halimuyak ng kanyang pabango, isa na siya ngayong bilyonaryo at talaga namang tinatangkilik ang kanyang produkto hindi lamang dito sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo. Ang nagmamay-ari naman ng pinakasikat na salon sa bansa na si  Ricky Reyes ay isa pang patunay. Sino nga bang hindi nakakikilala sa sobrang sikat ngayong komedyante na si Vice Ganda? Hindi ba’t palong-palo ang kanyang mga banat at halos mangawit ang mga panga natin sa kahahalakhak? Si Aiza Seguerra naman na tinaguriang child superstar noong dekada ’80 ay patuloy nating hinahangaan bilang artista at mang-aawit. Ang impersonator namang si Terry Aunor ay isa ng board member ngayon ng Zambales.

Hindi ko iniaangat ang mga homosekswal upang maliitin ang kakayahan ng isang tunay na babae’t lalaki. Ang nais ko lamang ay wasakin ang diskriminasyon na tila humahadlang sa ating kapatiran bilang tao na nilikha ng Diyos. Masasabi kong ang kasarian ay hindi ganoon kahalaga sa usapin ng pagiging totoong tao. Ano man ang iyong kasarian, mapa-lalaki o babae ka man, bisexual o homosexual, ang mahalaga ay ang pagpapakatotoo at ang mga nagawa mong kabutihan hindi lamang upang paunlarin ang sarili mo kundi maging ng kapwa mo.

Lahat tayo ay pantay-pantay sa mata ng Poong Lumikha ano man ang ating kasarian. Siyang maalam tumingin ang tanging makapaghuhusga kung karapat-dapat tayong makapasok sa kanyang kaharian.

Muli, isang pinagpalang araw  po sa ating lahat!

Sunday, October 2, 2011

Pag-asa ? ni Larry Anthony Gameng

Pyesang Pangtalumpati



" Ang Kabataan ay ang Pag-asa ng Bayan"

Sinasabi ng mga nakatatanda na ang na ang bagong henerasyon nga mga kabataan ngayon ay malayong malayo na sa kulturang kanilang kinagisnan nung sila’y nasa kanilang kabataan pa. Mula sa aspetong ng pag-aaral, pananamit, pananalita at higit lahat sa pakikipagrelasyon ay sobrang naiiba na talaga ang ating henerasyon.

Sa aspetong ng pag-aaral ay talagang naiiba na, kung noon ay natatagalan ng ating mga magulang ang pag-aaral, ang mga kabataan naman ngayon ay tila nawalan ng ng gana para mag-aral.May nabasa nga ako sa isang “page” sa Facebook na nagsasabing ang limang minuto ng pagbabasa at pag-aaral ay parang isang oras na parusa..Kung noon ay bahay at eskelahan lang ang daang tinutumbok ng mga kabataan ngayon naman ay bahay, eskwelahan, lakwatsa at kung minsan naman ay bahay, lakwatsa na lang ang kanilang tinutumbok.

“ Ano ba naman yang suot mo “ yan ang madalas marinig ng mga kabataang babae mula sa mga nakakatanda. Bakit naman kasi nauso ang mga damit na parang nagkulang at nagkakaubusan ng tela kaya’t sa sobrang iksi ay halos makita na ang mga maseselang bahagi ng katawan ng mga babae. Iyan siguro ang dahilan kung bakit maraming kabataan ngayon ang nakakaranas ng sekswal na pang-aabuso.

Kung pakikipagrelasyon naman ang pag-uusapan ay tiyak na milya-milya ang pagkakaiba ng ng panahon nila noon at ng panahon nila ngayon. Kung noon ay hihintay muna nilang sila’y dumating sa tamang edad bago pumasok sa pakikipagrelasyon at kung sila’y nasa isang relasyon na ay kanila itong ipinaaalam sa kanilang mga magulang. Samantalang ngayon ay kahit sa unang tan pa lamang ng sekondarya ay marami na pumapasok na sa pakikipagrelasyon . Halimbawa na lang nito ay ang isang estudyante sa sekondarya kung saan ako nag-aral. Nasa unang taon pa lamang ay pumasok na sa pakikipagrelasyon at sa edad na katorse ay nabuntis siya. Hindi na ako nagtataka kung bakit madalas tayong punahin ng mga nakatatanda, ito ay dahil sa pagiging mapusok ng bagong henerasyon ng mga kabataan ngayon.