Thursday, September 29, 2011

"Si Lalaki at Si Babae"

Ni: Sarah F. Faulve

Lalaking Macho! Babaeng Sexy!
Babaeng Macho? Lalaking Sexy?
Si Malakas! Si Mahina!
Si Gwapo at Si Maganda.

Paano nga ba nagkapantay? Sabi nila ang lalaki daw ay haligi ng tahanan. Paano kung mawala ang haligi? Ano na kaya ang mangyayari? Magiging pilay na ba ang bahay o babagsak na ba ito dahil walang sumusuporta dito at ang ilaw ng tahanan ay mababasag na lamang ng tuluyan kapag bumagsak ang tahanan? Masisira na ba ang lahat ng mga gamit na nasa loob ng tahanan kapag nawala ang haligi? Paano naman kung ang ilaw ng tahan ang mawala? Magiging madilim na ba ang tahanan? Hindi na ba makakakita ng liwanag ang mga gamit nito sa loob ng tahanan? Hindi na ba nito maliliwanagan ang haligi ng tahanan at hindi na ba nito makikita ang liwanagng kanyang tahanan? Paano nga ba ito nagkapantay?!

Sabi nila ang mga babae daw dapat ay nasa loob ng bahay lamang at taga pag alaga ng mga anak. Minsan nga ang tawag sa mga babae ay "tiga o taga", tiga hugas ng plato, tiga luto ng pagkain, taga linis ng bahay at iba pa. Ang babae daw ay dapat taga gabay lang sa mga anak nito at palakihin nito ang kanyang mga anak nga maayos. Ang babae daw ay dapat nasa bahay lamang at hindi maaring magtrabaho. Kailan nga ba nagkapantay?!

Ang lalaki daw ay dapat tagapagdisiplina sa mga anak nito. Siya din daw ang magtratrabaho sa pamilya nito. Siya ang dapat magdesisyon sa bahay, kung baga ang lalakidaw ay ang dapat masunod sa lahat ng bagay. Kailan nga ba nagkapantay?!

Minsan sinsabi nila na kapag si misis ang masusunod sa tahanan ay " Under de Saya" si mister. Kapag si mister naman ang nasusunod lagi sa bahay ay "Hari" naman kung tawagin ang lalaki.

Paano at kailan ba magkakaroon ng pagkakapantay na pagtingin sa babae at lalaki? Magkakaroon pa nga ba ng pagkakapantay na pagtingin sa magkaibang kasarian? Ito ang mga tanong na maiiwan sa ating isipan kaya ito ay ating dapat tuklasin.

Kulturang Pilipino: Impluwensiya ng Iba't ibang Kulturang Dayuhan

 Ni: Jenice G. Orpeza (Malayang Sanaysay)   

     Ang kultura ay salamin ng kasaysayan ng isang bansa. Isa rin ito sa kanyang pagkakakilanlan. Hindi ba't ang bawat bansa ay nagtataglay nito upang makilala sa buong mundo? Mula sa pananamit hanggang sa kilos at galaw ay may kanya-kanyang orihinalidad. Malaki rin ang papel na ginagampanan nito sa iba't ibang larangan-- ekonomiya, edukasyon, medisina, agrikultura maging sa politika. Mapalad tayo sapagkat mayamang kultura ang ipinamana sa atin ng ating mga ninuno.

     Tumpak nga ang depinisyon  ni Edward Tylor, isang anthropologist sa kultura. Ayon sa kanya, ang kultura ay sumasaklaw sa karunungan, pamahiin at paniniwala, sining, batas, kakayahan, pag-uugali at pagpapahalaga, tradisyon, damdamin at iba pang abilidad ng tao na kanyang nakamit at nalinang na maipamamana sa mga susunod na henerasyon sa pamamagitan ng wika at pagkakabuklod-buklod ng mga miyembro ng isang lipunan.

     Noon pa man ay mayaman at maunlad na ang kultura nating mga Pilipino. Hindi mabilang ang ating pamahiin at paniniwala. Gayundin, magkakabigkis ang ating pag-uugali at pagpapahalaga kahit pa nga mayroon tayong iba't ibang prinsipyo at disiplina sa buhay. Maaaring ito ay dulot na rin ng impluwensiya ng mga dayuhan na nakipagkalakalan sa ating mga ninuno bago pa man tayo napasailalim ng mga mananakop.

     Halimbawa sa mga kulturang banyaga na ating tinanggap ay ang paggamit ng paputok tuwing may pagdiriwang at paggamit ng kulay bilang tanda ng estado sa buhay ng mga Tsino. Namana naman natin sa mga Hindu ang pagbibigay ng dote sa magulang ng babaeng pakakasalan at pagsaboy ng bigas kapag may kasal. Napakarami pang gawain at paniniwala ang naisalin sa ating kultura ng mga banyagang mangangalakal.

     Samakatuwid, maituturing na ang kulturang Pilipino ay ang pinagsama-samang kultura ng mga karatig na bansa. Hindi ba't wala namang isang purong Pilipino dahil tayo ay produkto ng iba't ibang lahi tulad ng mga Ita, Indonesyo at Malayo? Gayunpaman, sila ang mga unang mamamayan ng Pilipinas na nagtamasa at nagpamana sa atin ng kulturang mayroon tayo ngayon.

     Hindi man nananalaytay sa atin ang dugo ng purong Pilipino, maipakikita at maipamamalas naman natin ang ating pagmamahal sa Pilipinas. Dahil dito, tayo ay tunay na Pilipino sa isip, sa puso at sa gawa.

"Pamumuhay ng Tao sa Isyung Pangkasarian"

Ni: Sarah F. Faulve

Sa pagikot ng mundo, sa pagbabago ng panahon at sa paglipas ng mga araw. Marami sa buhay ng tao ang nagbago, kasama na dito ay ang pagbabago sa kultura at isyung pangkasarian. Sabi ng iba ang pangatlong kasarian daw ay ang tinatawag na "tomboy o bakla" o tinatawag nilang "in between", in between kung tawagin kapag ihahalintulad sa pagpila kung magsisimula na ang plag seremony, isang linya para sa mga babae at isang linya naman para sa mga lalaki, ngunit saan nga pala daw pipila ang mga bakla o tomboy? Edi sa gitna! o "in between" sabi ng iba.... Sa panahon ngayon marami na rin ang nakakatanggap ng ganoon dahil ito ay nakasanayan na o nasa kultura na daw ng mga tao ngayon ang ganoong pamumuhay. Noon sa simpleng paraan lng naipapakita ang paghahalintulad sa mga ito. Hanggang sa pumasok na ito sa hindi pangkaraniwang pamumuhay at ito ay ang magkaroon ng ralasyon sa kaparehas na kasarian. Noon sabi ng mga matatanda ay bihira ka lang daw makakakita ng mga magkarelasyon na lalaki o babae sa kaparehas nitong kasarian dahil hindi naman iyon tanggap ng lipunan noon. Ngunit sa panahon ngayon ay unti- unti na natatanggap ng mga tao ang ganoong pagbabago hanggang sa tuluyan na itong makasanayan hanggang sa makasama na rin daw ito sa kultura natin. Tama nga ba ito o mali? Ayon sa mga naglilingkod sa diyos, ang pagkakaroon ng relasyon sa kaparehas nitong kasarian ay isang kasalanan sa diyos, dahil nilikha daw ang tao upang umibig at makipagrelasyon sa hindi nito kaparehas na kasarian. Ngunit sa mata daw nila ay hindi ito kasalanan dahil kapag nagmamahal ka ay hindi kasalanan.


Tanggap na nga ba ang ganitong pamumuhay ng tao sa panahon natin at ito ba ay maituturing na natin na kultura ng mga tao? Paano na ang mga taong hindi tanggap ang ganitong pamumuhay? Dapat ba natin itong tanggapin o baliwalain? Dapat na lang ba natin hayaan ang ganitong pamumuhay? Tayo ba ang mapapasya o ang diyos na lumikha? Minsan naitanong ko sa aking sarili na bakit kaya nagkakaganito ang buhay ng tao, hindi na ba pantay ang pagikot ng mundo, sa pagdaan ng mga araw ay unti-unti nang nagbabago ang panahon sa tuwing ito ay lilipas?


Bakit Nagkaganoon?

Ni: Jenice G. Orpeza

Dalawang uri lamang ang tao sa mundo
Ang tunay na babae at lalaking totoo
Subalit bakit nga ba nagkaganito?
Ngayo'y nagdadamit-babae si Toto,
 at si Nene naman ay nagpapakatibo.

Si Toto, mga manika ang nilalaruan
Damit ng ate niya'ng nais at kinagigiliwan
Lipstick ng nanay niya'y pinakikialamanan;
Ang buhok ay nakaipit, suot lagi ang laso
Bakit ganu'n si Toto, binabae ang puso?

Si Nene nama'y astig kung kumilos
Tila siga sa kanto dahil sa kanyang ayos;
Panlalaki ang damit, sumbrero'y laging suot
'Di alintana ang peligro saan man lumusot
Masunod lang ang nais anuman ang maging gusot.

Bakit nga ba sila nagkaganoon?
Baligtad na nga yata ang mundo ngayon;
Si Toto'y nagdadalaga, si Nene'y nagbibinata
Magulang nila'y nagkamali yata ng gawa
Sapagkat nagkapalit ang katauhan nila.

Subalit ano man ang kanilang pagkatao
Kahit pa nga pusong babae si Toto
at si Nene naman ay tibo
Tanggapin natin sila ng buong puso
'pagkat sila'y mga taong nagpapakatotoo!

Ang kabataan ngayon Ni: Angeline Espeso

Ang kabataan ngayon

Ni: Angeline Espeso


Ang kabataan ngayon

Sanay sa wikang banyaga

Kahit mayroong sariling wika

Iyon ang gamit na mga salita

Hindi naman lumaki sa ibang bansa


Ang kabataaan ngayon

Taas noo sa mga koreano at ‘kano

Sila ang mga iniidolo

Kaya’t ang porma sa kanila ay hango

Hindi kasi mahilig sa mga pango


Ang kabataaan ngayon

Hinihele ng mga banyagang kanta

Kahit hindi lubusang maintindihan

Awtin ay swak pa rin sa panlasa

Maging sayaw ay sinasabayan ang bawat indak ng musika


Ang kabataaan ngayon

Imbis na nasa silid-aklatan

Facebook ang binubuksan

Laging nasa galaan

Party-party sa may tugstugan


Ang kabataaan ngayon

Pinoy sa puso at diwa

Labas rin sa nguso at tainga

Ang kultura na ipinamana

Unti-unti ng nawawala.