Wednesday, September 28, 2011

" Tagumpay " ni Larry Anthony R. Gameng

Ang kasarian ay tumutukoy sa pagkakaiba sa pagitan ng mga lalaki at mga babae. Ngunit sa panahon ngayon ay hindi na lamang lalaki at babae ang tinutukoy ng salitang kasarian.Ksama na sa tinutukoy nito ang mga bading at tomboy.

Ang mga bading ay mga lalaking nais maging mga babae. Ngunit marami ang sakanila ay mga slot kung ituring dahil raw babae at lalaki lang daw ang ginawa ng panginoon kaya’t sila’y walang lugar para sa mundong ito. Ngunit sa kabila ng mga pangtataboy sakanila ay patuloy parin silang namumuhay ng masaya at malaya, bakit nga naman natin sila ituturing na salot kung wala naman silang masamang naiidulot sa kanilang mga kapwa nila tao at sa lipunan.

Marami na ang mga bading na sikat at yumaman dahil sa kanilang angking sipag at talento.Nariyan si Vice Ganda na sumikat dahil sa kanyang pagpapatawa sa mga mamamayang Pilipino, si Joel Cruz na sobrang yaman dahil na rin sa sipag at tiyaga niya ipinuhunan niya sa kanyang sariling linya ng pabango,si Fanny Serrano sa larangan ng pagmemake-up,Rene Salud sa larangan ng fashion designing, Lino Brocka sa larangan ng pelikula. Ilan lamang sila sa mga bading na naging matagumpay dahil hindi nila sinukuan ang mga pangmamata at mga hamon sakanilang buhay.

Sunday, September 25, 2011

MOMS (Love&Money): Becoming A Woman

MOMS (Body & Soul): Born Bading?

ANG HALIK Ni Florentino Collantes

May nangagsasabing ang halik ng tao
Ay isang pagkaing lutong paraiso
Anang iba naman ay lutong impyerno
Ewan ko kung alin dito ang totoo,
Marahil sa langgam ang tao natuto
Sapagkat una na ang hayop na ito.

At tayong Pilipino sa Kastila lamang
Umano natuto ng paghahalikan
Sa Amerikano tayo nasanay
Ng gawang paghalik kahit sa lansangan.

Datapwat sa aking ganang pagkabatid
Tayo’y may sarili’t katutubong halik
May halik Pilipino may halik Ingles
May halik Kastila at may halik Intsik.

Ang halik ng Intsik ay pahigup-laway
Pisngi’y ginagawang mangkok ng linugaw
Parang humuhithit sa kwako ng apyan
Parang pumapangos ng tubong sinambay

Ang halik ng Ingles ay pasipsip-suso
Dikdikan ng labi’t ngudnguran ng nguso
Datapwa ang atin, ang halik Pilipino
Ay hinid pasipsip ni hindi pasupsop
Kung hindi pasiil, paamoy, pasinghot.

Ang halik ay bugtong na kataka-taka
Pabango ng puso at ng kaluluwa
Sa iisang tao ay walang halaga
Ngunit pulot gata kapag sa dalawa.

Ang halik ay mahal,banal at dakila
Ngunit nahihingi kung sa munting bata
Ito’y ninanakaw ng mga binata
Ngunit binibili ng mga matanda.

Ang halik sa sanggol isang kautangan
Sa mutyang kasuyo ito’y karapatan
Tanda ng pag-ibig, ng damdaming banal
Ngunit balatkayo ng pusong tulisan.

Ang halik sa sinta pag-asang sariwa
Sa mutyang asawa’y pagsintang dakila
Datapwat sa isang dalagang matanda
Ang halik ay isang pagkakawanggawa.

Ang Basag na Kultura (Sa Aspetong Pag-Aasawa) ni Mara Grace Pinion

Sabi ng mga matatanda, ang pag-aasawa ay hindi parang kaning isusubo na iluluwa kapag ika'y napaso. Sa kabila nang sabi-sabing ito ay hindi pa rin nadadala ang mga Pilipino. Siguro maaari nating sabihin na tayo ay nasa makabagong henerasyon at tulad ng wika, ang kultura rin ay dinamiko, nagbabago. Tunay ngang basag na ang kulturang kinamulatan ng ating mga ninuno, wala nang natira ni isa, ni sa maka-Diyos mang paraan.

Simulan natin sa ligawan. Hindi ba't wala pang karapatang maghawakan ng kamay hangga't hindi pa magkasintahan? Oo, iyan ang kalagayan noong panahon nina lolo at lola, subukan mo 'yang gawin ngayon ay ika't mapag-iiwanan. Nariyan na, hinawakan na ang kamay, saan kaya tutungo ang mga kamay na ito? Sa panahon ngayon, ultimo magkaibigan ay naghahawakan ng kamay, patay malisya man o mayroon-- ngunit noong araw, tila sagradong gawain ito. 

Ang halik ay hindi basta-basta ibinibigay kung kani-kanino. Ito lamang ay ipinagkakaloob sa taong mahal natin tulad ng ating mga magulang, kaibigan at kasintahan. Ngunit may iba't ibang klase ng halik, sabi nga ay may pasupsop, pahigop-laway, pasipsip-suso, pasiil, paamoy at pasinghot. Kataka-taka na ang mga uri ng halik na ito ay masasaksihan sa mga taong hindi naman magkasintahan. Ang malala ay ginagawa pa ito sa lansangan. Nakahihiya, nakababastos, nakawawalang respeto lalo na sa babae-- ngunit bakit patuloy pa ring ginagawa gayong hindi naman ito ang itinuro ng ating mga magulang?

Kung mayroong isang pinaka sagradong bagay na ginagawa ang mag-asawa ay ang pagtatalik. Dito maaaring bumuo ng bata na siyang magsisilbing kasiyahan ng kaniyang mga magulang. Dito magkakaroon ng mas malalim na pagsasama ang mag-asawa. Oo, mag-asawa at hindi mag-syota o tamang magkasintahan. Hindi rin pinahihintulutan na magtalik ang hindi naman mag-asawa o ang may asawa ng iba. Ngunit kapansin-pansin ang pag-usbong ng mga maliliit na motel. Hindi naman talaga nakababastos ang motorist hotel ngunit dahil sa murang halaga at limitadong oras na paggamit ay inaabuso ito nga mga kabataan.

Diborsyo ang isa sa mga maiinit na isyu sa kasalukuyan. May mga relihiyon na hindi pumapayag na mag-diborsyo. Para saan pa nga bang nanumpa kayo sa harap ng alagad ng Diyos, alagad ng Diyos na nasusulat sa Bibliyang dapat sundin? Bakit babaliin at ipagsasawalang bahala at bisa? Ano pa ang silbi ng sagradong kasal sa mundo kung maaari naman palang makipag-diborsyo kung kailan mo gusto?

Ilan lamang ang mga nabanggit ko sa kulturang binasag ng ating henerasyon. Ang sakit isipin na tuluyan na nating nalimot ang pag-iigib ng tubig, pagbuhos ng laman ng arinola o mainit na tubig, ang pamamanhikan at pagpapahirap ng mga magulang bago tuluyang ipakasal ang anak, ang pagrespeto sa dignidad ng isang babae sa kaniyang pagka-birhen. Oo, wala na ang lahat ng ito, hayag na hayag ang pagkabasag ng kulturang pinundar ng ating mga ninuno.