Thursday, September 22, 2011

KASALO ni JOI C. BARRIOS

Ang babae ay hindi kaning inihahain

sa mesa ng matrimonya,

Iniluluwa kapag mainit at takot kang mapaso,

sinasabawan ng kape sa umaga

kapag ikaw ay nagkulang,

at itinatapong tutong sa kanyang pagtanda.


Ang babae ay hindi karneng

dinuduro at kinikilo,

ginigisa at laman sa iyong mga pangako,

nilalaga ang buto sa iyong pagsuyo

at ginagawang tsitsaron ang balat

upang maging pulutan.


Ang babae ay hindi halayang

panghimagas sa inyong kalusugan

inuming sa iyong katandaan

o putaheng nilalaspag tuwing may handaan.


May tiyan din siyang kumakalam,

may sikmurang kailangan mapunan

at pusong dapat mahimasmasan.

Kasama mo siyang nagtatanim ng nmaisasaing,

katuwang na naghahanda

ng almusal, tanghalian at hapunan,

kaharap at kasalo sa kinabukasan.

No comments:

Post a Comment